
Kamakalawa, nagsimula na ang pag-file ng kandidatura ng mga gustong maging kapitan ng barangay at chairman ng Sangguniang Kabataan at mga kagawad na pambarangay at SK.
Akalain ba nating may mga nagpapatayan dito?
Ano kaya meron at humahantong na sa patayan ang pulitikang dapat mapayapa, maayos at malinis?
PATAY DALAWA NA
Habang tinitipa ito, mga Bro, may dalawa nang pinagpapatay na mga kandidato sa pagka-barangay kapitan.
Sina ngayo’y ex-Kapitan Alex Repato, ng Brgy. San Jose, Libon, Albay at Haron Dimalanes, ng Brgy. Malingao, Midsayap, Cotabato.
Si Kap. Repato ay lumalabas na incumbent o kasalukuyang nakaupong kapitan at katatapos lang siyang maghain ng kanyang kandidatura sa Brgy. Poblacion, Libon para sa susunod na termino nang pagbabarilin ito na agad niyang ikinamatay.
Riding-in-tandem ang may gawa at may persons of interest na ang pulisya rito.
Si Dimalanes naman ay isang community leader at kabababa lang umano nito ng kanyang sasakyan sa tabi ng Midsayap Municipal Hall para maghain ng kanyanbg kandidatura nang barilin siya sa ulo.
Itinakbo siya sa ospital ngunit dead on arrival ito sa isang ospital, ayon kay Mayor Rolly Sacdalan.
Kinikilala pa ng mga tauhan ni Midsayap municipal chief of police Lt. Col. Peter Pinalgan Jr. ang mga suspek at nagpapatulong na ito sa Association of Barangay Captains para madakip ang utak at kumalabit sa gatilyo ng baril.
Bukod sa mga ito, sinasabi ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. na may isa pang kasong marahas sa Rizal ngunit iniimbestigahan pa.
Batay sa mga ito, maaaring may kasunod pang mga pagpatay sa mga kandidatong pambarangay.
Pero dalangin natin na wala nang kasunod pa para naman maging mapayapa at maayos ang halalan para sa kapakanan ng mga mamamayan.
KWENTONG KORAPSYON
Sa dumarating na mga totoong kwento ukol sa mga pamahalaang barangay, maraming ang kinukulapulan ng korapsyon.
Isa sa mga proyektong may korapsyon ang pagtatayo ng mga CCTV, street light, drainage, barangay road, day care center at iba pa.
Dito nag-aaway-away ang mga kapitan at kagawad dahil sa hindi magandang hatian sa mga “kita” na maaaring 20 porsyento pataas o 100% kung may “ghost project.”
Sa malalaki at mayayamang munisipyo at lungsod, inggit na inggit pa nga ang mga konsehal na panlungsod at pambayan dahil mas malalaki ang kikbak ng mga kapitan kaysa sa kanila.
Isa mga pinagkakakitaan ang labor cost ng proyekto na dinaraan sa “bayanihan” ng mga taga-barangay at lingid sa kanila nagdidibay-dibay ng mga kapitan at kasabwat nilang mga kagawad at mga opisyal ng bayan o lungsod sa pondong pang-labor.
Milyones ang usapan diyan kung municipal o citywide ang mga proyekto.
Dito ba nagpapatayan ang mga nasa barangay?