MANILA, Philippines- Pinabulaanan ni suspended Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III nitong Lunes ang bintang na korapsyon ng kanyang dating former executive assistant laban sa kanya.
“Wala hong katotohanan lahat ng mga ibinunyag niyang iyon,” ani Guadiz sa isang panayam, na tumutukoy sa akusasyon ni Jeff Tumbado, na kalaunan ay binawi ang kanyang mga alegasyon.
“I’m willing to face anybody in any investigation, in any forum, para pabulaanan iyong mga alegasyong iyon,” ayon pa kay Guadiz.
Sinabi ni Guadiz na nakausap niya si Tumbado bago pa man nito bawiin ang akusasyon nito at humingi umano ng paumanhin si Tumbado.
“One day pagkatapos niyang magbunyag, kami ho ay nag-usap. Na-realize niya ‘yung kanyang gustong gawin, nasaktan ho ako, ay hindi ho tama. So humingi ng paumanhin sa akin. Kasunod na araw siya ang nag-execute ng affidavit of recantation,” paglalahad ni Guadiz.
Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Guadiz gitna ng ulat ng umano’y korapsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno sa LTFRB.
Matatandaang sinabi ni Tumbado na umaabot ang bribe money mula sa jeepney operators sa P5 milyon para sa route, franchise, special permits o board resolutions.
Sinabi ni Guadiz na ito ang unang pagkakataong binato siya ng ganitong akusasyon sa loob ng 23 taong public service.
“Nung nangyari iyon bigla na lang siyang nag-resign at after 15 days, may mga lumabas na supposedly mga splices na pictures na galing sa kaniya,” ani Guadiz.
Sa kabila nito, sinabi niya na pinatawad na niya si Tumbado, at wala umano siyang balak na kasuhan ang dati niyang executive assistant.
“Sa ngayon wala akong balak na magsagawa ng anumang aksiyon. Nung siya ho ay humingi ng kapatawaran sa akin at nung siya ay nag-execute ng affidavit ay pinatawad ko na po siya,” wika niya. RNT/SA