Home METRO Korean restaurant nilooban; 1 sa 6 suspek timbog!

Korean restaurant nilooban; 1 sa 6 suspek timbog!

IMUS, CAVITE- Hagip sa CCTV ang pangho-holdap ng anim na lalaki sa isang Korean restaurant sa Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu, Imus, Cavite nitong Lunes ng gabi. 

Pagbabahagi ng isang kustomer, kakain na sana sila nang biglang sumulpot ang mga armadong lalaki na nakasuot ng helmet at face mask. 

“Nung una po akala namin joke lang kasi parang kalmado po ‘yung pagkakasabi. Tapos biglang paglapit po, biglang inagaw na po lahat ng gamit namin. Nagkakasa rin po sila ng baril, kaya binigay na lang po namin ‘yung gamit,” pahayag ng kustomer. 

Tinangay din ng mga holdaper ang halos P15,000 na kita ng kainan.

“Tinutukan din kami ng baril tapos ‘yung cash, ibigay daw po ‘yung sales. Kung hindi daw, babarilin po kami. Sobrang takot po kasi first time nangyari sa buhay ko na ganun. Hindi ko alam yung gagawin ko kaya para po walang masaktan, binigay na lang po lahat para maano po ‘yung buhay namin,” pagbabahagi ng service crew ng restaurant.

Aniya, dinibdiban ng mga suspek ang isang kustomer na nagtangkang pumalag. 

Sa nasabing panloloob, halos libo-libong pera, mga cellphone, relo, wallet, at bag ang nakuha mula sa mga kustomer ng kainan. 

Sinabi ni PLtCol. Jack Angog, hepe ng Imus City Police Station, tinyempuhan ng mga kawatan ang pagnanakaw sa establisyimento. 

“During that time, dumaan na ‘yung ating patrol. After a while, sumingit sila kasi pinapaigting po talaga natin ‘yung pagpapatrolya along the highway,” sabi ni PLtCol. Angog.

Nagsagawa naman ng backtracking ang mga pulis at sa batay sa CCTV footage sa highway, natunton ang kinaroroonan ng isa sa mga suspek sa Pasay.

Dinakip ang lalaki at nasabat sa kanya ang ginamit na motorsiklo sa krimen subalit walang narekober na ninakaw na gamit.

Tinukoy niya ang mga kasabwat, isa rito ay napag-alamang dati nang may kaso ng robbery at illegal possession of firearms. 

“Sa ibang mga suspects, alam na namin mga pangalan ninyo. Better surrender yourselves. Magtrabaho tayo ng marangal,” pahayag ni PLtCol. Angog.

Nagpapatuloy naman ang manhunt operation upang matunton ang kinaroroonan ng iba pang suspek na kakasuhan ng robbery. RNT/SA

Previous articleLPA sa loob ng PAR posibleng maging bagyo – PAGASA
Next article1,245 sangkot sa e-sabong naaresto sa ilalim ng Marcos admin