MANILA, Philippines – Patay ang apat na sakay ng isang sasakyan nang araruhin ng 10-wheeler dump truck sa highway sakop ng Barangay New Cabalan, Olongapo City.
Ayon sa mga imbestigador, kinilala ang mga nasawi na sina Renz Tiu, Veronica Ng, Romnick Tiu, at Carlo Esguerra, na nagtamo ng matinding tama sa ulo at katawan.
Hindi naman nasaktan ang drayber ng dump truck na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng isang Toyota Camry (XPR 424), na minamaneho ni Tiu, at bumibiyahe patungong Olongapo City mula Mariveles, Bataan na dumalo sa wedding proposal ng kanilang kaanak.
Nang umabot ang sasakyan sa pakurbang bahagi ng zigzag road sa Jose Abad Santos Avenue, sumalpok sa kanila ang dump truck na minamaneho ni Domingo Faelanca Firmo, 56-anyos, ng Marilao, Bulacan.
Pumailalim ang sasakyan sa truck dahilan para maging pahirapan ang pagkuha sa katawan ng mga biktima.
Ayon kay Firmo, ang truck ay ginagamit sa mining operations sa Zambales at ibabalik na sana sa may-ari sa Manila.
Aminado ang drayber ng truck na masama ang pakiramdam niya nang mangyari ang aksidente. RNT/JGC