Home HOME BANNER STORY Kudeta vs PBBM admin, tablado kay Bato

Kudeta vs PBBM admin, tablado kay Bato

MANILA, Philippines – Tahasang tinabla ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang umuugong na kudeta laban sa administrasyong Marcos na hinihinalang ipinalulutang ng retiradong heneral ng sandatahang lakas ng bansa.

Umugong ang kudeta matapos tanggalin ng Mababang Kapulungan ang P650 milyong confidential and intelligence funds (CIFs) ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng reporter, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) noong nakaraang administrasyon, na tanging “sira-ulo” lamang ang susuporta sa kudeta.

“Paano naman kami susuporta, magsuporta yung partido ng destabilization effort?” ayon kay Dela Rosa sa interview sa Senado.

Kabilang si Dela Rosa sa PDP-Laban na pinamumunuan ni dating President Rodrigo Duterte.

“Magsuporta? Alam mo ang magsuporta sira-ulo, kung magsuporta man kayo. Sira-ulo ang mag-suporta,” aniya.

Naunang ibinulgar ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na may destabilization plot na namonitor ng intelligence community na isasagawa umano ng ilang retired military officers.

Ayon kay Dela Rosa, hindi magtatagumpay ang ganitong pagkilos.

“Mahirap nga mag-launch ng destabilization kung nasa active [in service] ka pa, how much more kung retired ka na? Anong capability mo?” aniya.

“Kung retired ka na all you have are words of wisdom. Hanggang words of wisdom ka na lang pero wala ka ng capability na mag-destab-destab na yan,” dagdag ng senador.

Hindi naniniwala si Dela Rosa na makakumbinsi ang mga retiradong opisyal ng militar sa mga nasa aktibong serbisyo upang suportahan ang kudeta dahil inaasahang susuportahan nito ang kasalukuyang administrasyon.

Aniya, kung makatotohanan ang pagkilos ng kudeta, hindi siya lalahok sa anumang uri nito.

“Hindi ako sasali dyan. Hanap ka lang ng problema, hanap ka ng sakit ng ulo,” ayon kay Dela Rosa.

Binalaan din niya ang mga retired general laban sa paglulunsad ng kudeta laban sa administrasyon. Ernie Reyes

Previous articleP1.27T ‘di pa nagagastos sa 2023 national budget – Angara
Next articleKaya FC-Iloilo laglag sa AFC Champions League