Home OPINION KUDOS SA NCRPO AT NAVOTAS POLICE

KUDOS SA NCRPO AT NAVOTAS POLICE

TEMA nang mainit na usapan sa social at traditional media ang pagkakahuli ng mahigit 200 daang katao na naaktuhan ng mga awtoridad na nagsasagawa umano ng vote buying / selling sa Navotas City.

Sa pangunguna ni P/Col Mario Cortes, chief of police ng Navotas Police Station, nilusob  ng pulisya ng lungsod ang isang bodega ng sardinas sa Policarpio St., Naval, Navotas alas 11:30 ng umaga noong Oktubre 25.

Dinampot ng raiding team ang isang nagpakilalang Maribel Eugenio  Policarpio  na kanilang naaktuhang namumudmod ng mga sobreng may laman na P300 at P500. Sa pagdakip kay Policarpio, dinakip din ng mga tauhan ni Cortes ang mga binigyan o tumanggap ng mga sobre.

Sa tagal kong mamamahayag na paborito ang ‘police beat’, ang masasabi natin ay ‘di matatawarang accomplishment ito ng Philippine National Police, partkular ng Navotas City Police Station.

‘Di mapasisinungalingan na sa bansang Pinas, matitigas, maiimpluwensya at makapangyarihan ang mga pulitiko kaya madalas alumpihit ang awtoridad na pairalin ang batas.

Pero sa nangyaring paglusob ng mga pulis sa nagaganap na vote-buying sa Navotas, tila baga ginawa ng PNP ang kanilang mandato na ‘To Serve and Protect’ bilang mga alagad ng batas.

Madalas binabatikos, laging masama sa paningin ng madlang pipol pero sa pagkakataong ito ay dapat  din sigurong purihin  ang pambansang pulisya sa pangunguna ni P/Gen. Benjamin Acorda Jr.

Sa Metro Manila, ang mga pulitiko ay kinatatakutan, subalit noon iyon. Dahil ngayong si P/BGen Jose Melencio Nartatez Jr., ang hepe ng National Capital Region Police Office, ang batas ay batas at hindi ito para baluktutin nitong nasabing regional director, ayon yan sa insider ng Chokepoint  sa Camp Bagong Diwa.

Maliwanag na naka-iskor ang PNP sa Navotas raid. Pero dapat ay hindi hihinto ang imbestigasyon hangga’t hindi nahuhubaran ang pulitikong nasa likod ng nabanggit na vote-buying.

Dahil ang ikatatagumpay nito ay magsisilbing paalala o warning sa mga tusong pulitiko na may nakatanghod, nakabantay na PNP na, always ready at  ‘di mangingiwing ipairal ang batas.

Hurrah NCRPO at Navotas City Police Station sa hindi matatrawarang achievement na nagawa ninyo kaugnay sa BSKE.

 

Previous articleSAYANG PAGOD KUNG ‘DI RIN MAIPOPROKLAMA
Next articleKAHINDIK-HINDIK NA TERORISMO