KUMAMBYO SI CAYETANO SA ISYU NG ABS-CBN

KUMAMBYO SI CAYETANO SA ISYU NG ABS-CBN

May 22, 2020 @ 10:52 AM 6 days ago

  •  
  •  
  •  
Share

Balik hanapbuhay na sana ang ilang artista at talent nitong network na ABS-CBN sa Hunyo kung hindi binawi ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang panukala nitong provisional authority habang wala pang desisyon ang Kongreso kung aprubahan o hindi ang renewal ng prangkisa nito.

Tantya natin, ang legal opinion ng ilang mahistrado ng Korte Suprema na walang karapatang magbigay ng pansamantalang pahintulot ang Kongreso na mag-ere ang naturang network ang rason ng biglaang pagkambyo ni Cayetano.

Ngunit klaruhin natin na ‘yung pinagtatalak ng ilang artista laban sa gobyerno matapos ang shutdown at ‘yung isinisigaw nila na 11,000 na mga trabahador na mawawalan ng trabaho ay sangkalan lamang nito dahil ang totoo, ang talent fee nilang mga burgis ang namemeligro rito.

Ibig sabihin, mababawasan ang magarbong buhay ng mga artista at may-ari ng giant network dahil matatapyasan ang kinikita nila bunsod sa cease and desist order na ipinalabas ng NTC.

Sabi nga ni Cayetano, kailangan ng Kongreso ng sapat na panahon upang talakayin ang malalaking isyung kinahaharap ng ABS-CBN, lalo na ‘yung isyu sa hindi tamang pagbabayad ng buwis at kompensasyon sa mga empleyado samantalang milyones ang hinahakot nito mula sa sponsors o advertisers.

 Kaya hindi dapat kampante ang talents at management nito dahil daraan sa butas ng karayom sakaling maaprubahan man ang renewal ng prangkisa ng nabanggit na istasyon.

Ang punto natin, bagaman tinigbak ng NTC ang freedom of expression ng bawat Pinoy na tagapanood nang ipatigil ang pag-ere nito, kailangang panagutin din ang network sa mga violation nito.

Kung babalikan kasi natin ang nangyari bago pa man ang presidential elections noong 2016, kinawawa nito si Tatay Digong at maging si Speaker Cayetano dahil maliwanag pa sa sikat ng araw ang ginawa nitong pagkiling kay Mar Roxas gamit ang airtime na indorsado noon ni Pangulong Noynoy.

Kahit sa panaginip man lang ay hindi sumagi sa mga Lopez ang anino ng dating Mayor ng Davao na mananalo kaya ramdam nila na nakaumang na ang kanyon ng Malakanyang sa renewal ng prangkisa nito.

Kung naghahanap man ngayon ng katarungan ang ABS-CBN, ‘yun ay dahil sa hindi rin makatarungan ang ginawa nito kay Tatay Digong.

‘Yun nga lang, collateral damage ang milyong tagapanood nito.

Share

Leave a Reply

Loading...