Home NATIONWIDE Kumpirmasyon ni Recto sa DOF, aprub kay Bong Go

Kumpirmasyon ni Recto sa DOF, aprub kay Bong Go

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pag-apruba at suporta sa kumpirmasyon ng ng mga miyembro ng Commission on Appointments (CA) sa interim appointment ni Ralph Recto, bilang kalihim ng Department of Finance (DOF) noong Miyerkules.

Sa kanyang manipestasyon sa sesyon ng plenaryo, idiniin ni Go ang kanyang lubos na pagtitiwala sa kakayahan ni Sec. Recto.

Bilang dating senador, sinabi ni Go na ang malawak na lehislatibong karanasan at kaalaman ni Recto sa usaping pang-ekonomiya ay napakahalaga at tiyak na makatutulong sa kanyang pamumuno sa DOF.

Anang senador, si Recto ay lubos na kuwalipikado para gampanan ang mga tungkulin at responsibilidad sa DOF, lalo’t kahanga-hanga ang track record nito. Si Recto aniya ay tinaguriang “resident economist” sa Kongreso at Senado.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng papel ni Recto sa paglalayag ng bansa sa mga hamon sa ekonomiya patungo sa panahon ng matatag na paglago at katatagan.

Sinabi ni Go na walang dudang magdadala si Sec. Recto ng mga makabuluhan at tunay na reporma sa kanyang departamento.

“Before joining the Cabinet, he has been a respected member of the Senate as Senate President Pro Tempore and of the Congress as Deputy House Speaker, making his mark as a seasoned and distinguished legislator. Guro nga po ang tawag sa kanya. Sec. Recto, talagang nirerespeto po ito,” pahayag ni Sen. Go.

Ani Go, dahil sa kahusayan at matalinong pagdedesisyon sa economics, si Recto ay itinalaga dati sa executive department bilang NEDA Secretary.

“Bilang NEDA chief, malaki ang naging papel niya sa pagbuo at pangangasiwa sa Economic Resiliency Plan (ERP) ng gobyerno,” ayon kay Go.

Dahil sa mga kumplikadong likas sa sektor ng pananalapi ng bansa, idinagdag ni Go na walang dudang si Sec. Recto ang tamang tao na mamuno sa DOF.

“To my dear friend, Kababayan, and one of our idols, Sec. Ralph, your days in Congress and the Senate are temporarily over. Relish this new opportunity to serve the country. But we will never stop fighting for the welfare of the Filipino people. Patuloy mong ipaglaban ang pamilyang Pilipino! Please lang po, please. Make sure po na magamit po ang pera ng taumbayan para po sa mga mahihirap,” pagtatapos ni Go. RNT

Previous articleResolusyon nagpupugay sa Filipino Asiad bets pinagtibay ng Senado – Villanueva
Next articleTop 1 at Top 9 MWP sa region 02, himas rehas