APRUB ang ULTIMATUM sa pamimigay nang libre ng mga kumpiskadong bigas sa mga dapat na bigyan.
May naipamigay na sa Zamboanga City, Zamboanga Sibugay at Tungawan mula sa 41,000 sako ng bigas na ismagel at nakumpiska kamakailan sa Zamboanga City.
Mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang nabigyan at mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nanguna sa pamimigay.
Makaraan nito, inatasan na nito ang Department of Social Welfare and Development na siyang mamigay sa mga benepisyaryo sa nasabing tatlong lugar.
Bago naipamigay, dumaan muna ito sa masusing imbestigasyon kung ismagel o hindi.
Binigyan ang mga may hawak ng kargamento na nakaimbak na sa isang warehouse ng mga pagkakataon na ipakita ang mga dokumento at iba pang mga papeles ngunit nabigo sila.
Hayun, napatunayan iligal o ismagel kaya swak na sa pamimigay.
Ang kahilingan lang natin sa mga taong DSWD at iba pang mga nangangasiwa sa distribusyon, makarating sa dapat bigyan ang mga bigas at hindi maibiyahe kung saan-saan at mawalan nang saysay ang layunin ng pamahalaang Marcos na may maisusubo ng mga talagang kapos sa buhay.
Sinasabi natin ito, mga Bro, sa harap ng katotohanang, kahit sa gitna ng nakamamatay na kalamidad, meron pa ring mga nagsasamantala.
PAANO ANG IBA?
Kamakailan din, may mga nasabat na P40 milyong halaga ring bigas sa Bacoor, Cavite at Mapulang Lupa, Las Piñas City.
Halos kasingdami ng sako ng bigas na nakumpiska sa Zamboanga City ang magkahiwalay na nakumpiska sa Cavite at Las Piñas.
Naunang nadiskubreng ibinebenta ang mga ito nang tigkalahating kaban o 25 kilong kada maliit na sako ang mga bigas sa mga palengke.
At nang masundan ng mga pwersa ng Bureau of Customs at Philippine Coast Guard ang imbakan ng mga ito, doon na sila lumusob.
At ngayon, binigyan na ang mga may hawak ng mga bulto ng bigas ng sapat na panahon upang patunayang hindi ismagel ang mga ito.
PAANO ANG MGA NAUNANG NADISKUBRE?
Paano kaya ang mga naunang nadiskubreng bigas, halimbawa, sa Meycauayan at Bocaue, Bulacan?
Tila binabalot ang mga ito ng nakabibinging katahimikan.
Noong una, nabigayan din sila ng mga araw, 15 araw, para maglabas ng mga patunay na hindi ismagel ang mga iyon na libo-libo ring sako.
Binibilang ng ating Uzi ang mga araw, lumagpas na ang 15 araw.
Agosto 24, 2023 pa na-raid ang mga bodega, kasama naglalaman ng mahigit 200,000 sako ngunit walang balita sa mga ito.
Ibig bang sabihin na napatunayang ligal ang mga bigas na ito na ang kalakhang bulto ay imported?
Meron kasing mga lokal na palay na natagpuan ngunit luma na at nakaimbak lang.
Dapat na malaman ng mga mamamayan ang tunay na estado ng mga bigas sa mga araw na ito upang mapakinabangan ang mga ito bilang murang paninda sa palengke o libreng ayuda sa mga mahihirap.
Naghihintay ang mga nagugutom at maliliit na negosyante sa bigas ng tugon dito.