Home OPINION KUNG HEI FAT CHOI

KUNG HEI FAT CHOI

ISINASAGAWA ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa iba-ibang petsa subalit ito ay sa pagitan ng Enero 21 hanggang Pebrero 20 kung saan naging tradisyon na rito sa ‘Pinas at saan mang dako ng mundo ang magarbong selebrasyon nitong sinasabayan ng malalakas na tambol at masasarap na pagkain ang pagsalubong.

Minana natin sa mga Tsino ang pag-iingay tuwing sinasalubong ang bagong taon bunsod sa itinuturing na kabilang sa unang naglakbay patungo sa bansa natin ang lahi na ito kaya naman napakalaki ng impluwensya nito sa tradisyon at kultura ng bansa.

Hindi ba’t likas sa mga Intsik ang magaling sa pagnenegosyo kung saan tanging ang kinikita lang ang binabawasan sa panggastos kung kaya maraming kilalang mga kalahi nila ang naging tanyag sa larangan ng makatuwirang kalakalan sa sanlibutan na kung susuriin ay nagsimula sa ordinaryong pamimili at pagbebenta lang?

Ilan lang sa mga prestihiyosong negosyante sina namayapang Henry Sy, ng SM Department Stores; namayapang John Gokongwei ng Robinsons Group Of Companies;  Lucio Tan ng Asia Brewery at Fortune Tobacco at Tony Tan Caktiong ng Jollibee ang patuloy na namamayagpag sa usapin ng malalaking negosyo sa bansa at sa sandaigdigan.

Subalit klaruhin lamang natin na silang mga Tsino na unang dumagsa sa bansa at nagkaroon ng pamilya sa mga kababayan natin ang itinuturing na naging katuwang sa pagpapaunlad ng ‘Pinas noon pa man.

Hindi katulad nitong kasalukuyang gobyerno ng China na ubod ng kaswitikan, pang-aabuso, pangangamkam at panlalamang ang ginagawa sa ating sukdulang angkinin na yata ang buong kapuluan ng bansa.

Sila ‘yung sumisira sa tradisyonal na magandang relasyon na ipinundar ng mga Tsinoy mula pa noong sinaunang panahong naging bahagi na ng kultura ng bansang naapektuhan na rin ngayon bunsod sa ito rin ang pinagmulan ng Chinese community sa ‘Pinas.

Ngunit ang punto natin, wala namang alam ang itinuturing na kanugnog ng sambayanan na mga Tsino na may lahing Pinoy sa pambababoy na ginagawa ng gobyerno ng China na wala na yatang katapusan ang panggigipit sa pamahalaan at mga kababayan lalo na sa West Philippine Sea.

Sa madali’t sabi, KUNG HEI FAT CHOI sa mga kababayan nating Tsinoy at sana hindi kayo maulingan ng masasamang ugali ng kasalukuyang mga Tsino na nagtataboy ng mga mangingisdang kalahi natin sa WPS.

Previous articlePARA SA SENIORs, PWDs
Next articleEDUKASYONG KULELAT