MANILA, Philippines – Isinusulong ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang panukalang pagtatayo ng kolehiyo na tututok sa agrikultura at pangisdaan sa pagkakaroon ng food security sa bansa.
“Yamang lupa at yamang dagat ang isa sa pinakamadaling pagyamanin na kabuhayan dito sa aming lalawigan. Kaya marapat lamang na ito ang aming pagtuunan ng focus at makatulong sa pag-angat ng aming lalawigan.”
Inihain ng kongresista ang House Bill No. 7085 na nagsusulong na maitayo ang Basilan Agriculture and Fisheries College upang ang mga mag-aaral sa Basilan ay magkaroon ng kabatiran ukol sa makabagong teknolohiya sa pagtatanim at pangingisda.
“Agriculture and fisheries are two of the main sources of livelihood for Basileños. A college that specializes in these two sectors will greatly benefit not only the citizens of Basilan, but the economy of the whole province as well,” ayon kay Hataman.
Batay sa panukala, ang state college ay magkakaloob ng “technical and professional training in sciences, arts, teacher education, agriculture, engineering and technology, fisheries, food technology, nutrition, as well as short-term vocational courses.”
“It shall likewise promote research, advanced studies and academic leadership in the stated areas of specialization,” banggit pa sa inihaing HB 7085.
Ang itatayong kolehiyo ay pamumunuan ng Board of Trustees (BOT) na binubuo ng 11 individuals sa pangunguna ng Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED).
Magkakaroon rin ito ng presidente bilang vice chair, kung saan uupo rin bilang miyembro ng BOT ang mga chairperson ng committees on education and higher technical education ng Senado at Malaking Kapulungan ng Kongreso.
Ang kabuuan ng board ay kabibilangan ng Regional Director ng National Economic and Development Authority(NEDA); Minister of Basic, Higher and Technical Education ng BARMM; president ng alumni association; presidente ng faculty association; Chairperson ng supreme student council; at dalawang prominent citizens ng Isabela City o ng lalawigan ng Basilan.
Ang Board of Trustees ay magkakaroon ng kapangyarihan na magtayo ng Institute of General Education Studies, School of Agriculture and Aquatic Sciences, School of Forestry and Environmental Science, School of Engineering and Technology, School of Education, School of Business, School of Veterinary Medicine, School of Food Technology and Nutrition, Indigenous Arts and Crafts Institute, at ng schools at departments kung kinakailangan.
“Bukod sa agriculture and fisheries, hiling sana namin ay mag-offer din ng ibang mga courses ang kolehiyong ito para mas maraming option ang aming mag-aaral sa propesyon na nais nilang pasukin. Edukasyon ay isang magandang legacy na maiiwan ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Ang panukalang ito ay makakatulong sa pag-abot sa mga pangarap ng mga Basileño,” giit pa ni Hataman. Meliza Maluntag