Home OPINION KURSO SA PAGTIKIM NG ALAK MULA SA ITALIAN EMBASSY

KURSO SA PAGTIKIM NG ALAK MULA SA ITALIAN EMBASSY

KAHANGA-HANGA naman itong Embahada ng Italya dahil sa walang sawa nitong pagbibigay ng kaalaman sa mga Pinoy kung saan ang pinakahuli nga ay naganap nitong Pebrero 5-9, 2024.

Isang linggong kurso sa pagtikim ng alak ang inilunsad ng Italian Embassy in Manila bilang bahagi ng serye ng Italy Week at naganap sa pakikipagtulungan ng Winehub Inc, distributor ng alak sa Pilipinas at ng Italian Association Sommelier.

Umabot sa 30 ang mga Pinoy na nakibahagi sa training program na ito na ginanap sa New Italy Visa Application Center, sa isang malaking bahagi ng lugar na nakalaan sa promotion ng “Made in Italy” at naglalayong magsagawa ng cultural, economic at social initiatives.

Ayon kay Ambassador Marco Clemente, pagkakataon na ito ng mga Pinoy na nagnanais na mas mapalakas pa ang kanilang kakayahan at husay sa usapin nang pagtikim ng alak at paghahain nito.

Isa rin itong pagkakataon, ayon kay Clemente, na mas iangat pa ang kalidad ng kasanayan ng mga Pinoy sa hotel at ibang lugar kung saan madalas ay isine-serve ang alak.

Nakatutuwang mismong ang mga kaibigang bansa ng Pilipinas ang nag-aangat sa antas ng propesyunalismo nating mga Pinoy. Sa training program, na layuning gawin na taon-taon, ay hindi lang tuturuan ang mga restaurant professionals subalit maging ang mga interesado sa alak na turuan  o paangatin ang kaalaman nila sa art and science of wine.

Giit pa nga ng ambassador, ang layunin ng paglulunsad nila ng kursong wine tasting para sa mga Pilipino ay hindi lang upang maging marunong sila sa tamang preparasyon at pag-inom ng alak subalit upang turuan silang magkaroon ng tamang kasanayan o propesyunal na kakayahan na maghain ng alak sa pagpasok sa hospitality at service industry.

Kaya nga laking pasalamat ng mga Pinoy na naging bahagi ng kursong inihain ng Italian Embassy sapagkat malaking tulong sa kanilang pagkakaroon ng dagdag kaalaman na madadala nila sa pagtratrabaho nila sa mga mamahaling restaurant, hotel at bar.

Nabatid ng inyong Pakurot na magkakaroon pa ng kasunod na kurso sa mga darating na buwan at kapag nakumpleto ng mga dumalo ang kurso ay makatatanggap sila  ng “internationally recognized certificate” na kumikilala sa kanilang kasanayan sa kursong inihain sa kanila.

 

 

Previous articlePatay sa malagim na DavOr landslide umakyat na sa 90
Next articleTRAHEDYA SA MACO