Home ENTERTAINMENT Kuya Will, asa pa rin sa AllTV; Wowowin, lilipat sa Star Mall!

Kuya Will, asa pa rin sa AllTV; Wowowin, lilipat sa Star Mall!

136
0

Manila, Philippines- Hindi pa rin humuhulagpos ang pag-asa ni Willie Revillame na pagkatapos ng Mahal na Araw ay lilipat na ang programa niyang Wowowin sa Star Mall sa panulukan ng Shaw Blvd. at EDSA sa Mandaluyong City.

Kamakailan nga’y ipinakita ni Willie ang ongoing construction sa lilipatang studio, patunay na patuloy pa ring mapapanood ang kanyang show.

Ito’y sa kabila ng balitang pumutok kamakailan na isa ang Wowowin sa mga programa ng AllTV na pansamantala munang ihihinto.

Taliwas naman ito sa pahayag ni Willie na maging siya’y walang alam sa kahihinatnan ng kanyang show.

Ito’y sa dahilang wala raw kumakausap sa kanya, “Hindi ko alam kung ano ang desisyon ng management. Kung eere pa ba ang show, kung babalik pa ba ako? Wala akong masasabi on behalf of the management dahil talent lang ako.”

Binuweltahan din ni Willie ang mga nagsasabing boring at luma raw ang Wowowin, bukod pa sa technical problems nito.

Gusto niyang ipaunawa sa mga manonood na nanganganay pa raw sila.

Kasama na rito ang signal ng AllTV na inaayos naman to achieve a wider reach.

Limitado rin daw ang mga galawan sa ginagamit na studio ng Wowowin.

“Ang ginagamit naming studio ay penthouse ng Wil Tower. Wala kaming live audience. Hindi kami masyadong makakilos. But hopefully, after Holy Week ay lilipat na kami sa Star Mall.”

Nang usisain kung bakit sa tingin niya’y hindi siya inaabisuhan ng AllTV management tungkol sa kung ano ang balak nito sa Wowowin, “Siguro, may inaayos lang sila.”

Kinowt kasi ni Cristy Fermin ang sinabi sa kanya ni Willie na araw-araw ay tumatawag daw ito sa mga kinauukulan pero walang gustong kumausap sa kanya.

Malinaw na sa kabila ng kawalan ng kasiguraduhan sa kapalarang naghihintay sa Wowowin ay patuloy pa rin ang ginagawang pagtatanggol ni Willie sa istasyong mas pinili niya over GMA.

Inaabangan ng mga manonood ang anunsyo ni Willie kaugnay ng Wowowin: is it here to stay or is it bowing out temporarily? Ronnie Carrasco III

Previous articleBicol, Quezon uulanin sa amihan
Next articleHOROSCOPE FEBRUARY 10, 2023