Home NATIONWIDE Labi ng isang OFW na nasawi sa Israel iki-cremate

Labi ng isang OFW na nasawi sa Israel iki-cremate

A building is ablaze following rocket attacks from the Gaza Strip, in Tel Aviv, Israel October 7, 2023. REUTERS/Itai Ron TPX IMAGES OF THE DAY

MANILA, Philippines – Iki-cremate ang labi ng isa sa dalawang Pinoy na namatay sa gitna ng pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas sa Israel, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Biyernes.

Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ang hakbang ay base sa desisyon ng pamilya ng biktima, base sa isang interbyu.

“Pino-process na po ito at hindi na rin po magtatagal ay makakauwi at least isa nating mahal na OFW na nasawi,” pagsisiguro pa ni Cacdac.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Angeline Aguirre, isang nurse, at Paul Vincent Castelvi, isang 42-anyos na caregiver.

Napatay si Aguirre matapos niyang piliin na manatili sa kanyang matandang pasyente habang pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang isang bomb shelter sa Israel.

Samantala, balak ni Castelvi na bumalik sa Pilipinas para magbakasyon para sorpresahin ang kanyang ina.

Samantala, sinabi ni Cacdac na 22 Pinoy kabilang ang 19 na tagapag-alaga at tatlong manggagawa sa hotel sa Israel ang humiling ng repatriation sa ngayon.

Sa Gaza, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na nasa 70 Pinoy ang humiling na mapauwi.

Ngunit sinabi ni De Vega na nasa ilalim ng blockade ang Gaza at sinisikap na nilang magkaroon ng mga humanitarian corridor na magbibigay-daan sa mga Pilipino na makalabas.

Inilagay ng Pilipinas noong Huwebes ang Gaza sa Alert Level 3 sa gitna ng patuloy na reprisal strike ng Israel, sinabi ng DFA.

Ang Alert Level 3 ay nangangahulugan ng boluntaryong pagpapauwi.

Ayon sa DFA, mayroong 137 Pilipino sa Gaza. RNT

Previous articleDOST, PNP na-hack din!
Next articlePresyo ng gas tataas; diesel, kerosene may rollback next week