Home NATIONWIDE Labi ng OFW na napatay sa Israel-Hamas war naiuwi na ng Pinas

Labi ng OFW na napatay sa Israel-Hamas war naiuwi na ng Pinas

MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang labi ng napatay sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas na overseas Filipino worker na si Paul Vincent Castelvi nitong Sabado, Disyembre 23, 2023.

Sinabi ng Department of Migrant Workers na ang asawa ni Castelvi, OFW na si Jovelle Santiago, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kasama ang kanilang isang buwang gulang na anak na si Jhayzen, at ang urn na naglalaman ng kanyang abo.

Sinalubong siya ng kanyang ina, si Tessie Santiago, at biyenan na si Lilina Castelvi. Si Castelvi ay isa sa apat na Pilipinong namatay sa pag-atake ng Hamas sa southern Israel noong Oktubre 7.

Siya ay iniulat na napatay matapos niyang protektahan ang kanyang pasyenteng Israeli mula sa mga umaatake. Ang kanyang mga labi ay na-cremate sa Tel Aviv.

Bago ang insidente, nakatanggap si Castelvi ng plane ticket mula sa kanyang employer na gagamitin sana niya pauwi ngayong holiday para surpresahin ang kanyang ina. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articlePBBM sa mga Pinoy: Maging instrumento ng kaliwanagan at pag-asa ngayong Pasko
Next article5.1M pasahero inaasahang dadagsa sa mga pantalan