MANILA, Philippines – Isinusulong sa komite ng Kamara ang hakbang na magpapakilala sa “ladderized approach” para sa curriculum ng
Kinder to Grade 12 (K to 12).
Kasabay ng pagdinig nitong Martes, Pebrero 7, inaprubahan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, chairman ng House Committee on Basic Education and Culture, ang House Bill 238, na naglalayong pagbutihin ang K to 12 education ng mga estudyante at proficiency naman ng mga guro sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Sections 5 at 7 ng Republic Act (RA) 10533 o ang Education Act of 2013.
Tinukoy ni Caloocan City Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy, may-akda sa panukala, na kulelt ang performance ng Pilipinas pagdating sa pagbabasa, math, at science sa 2018 Program for International Student Assessment (PISA).
Ayon kay Cajayon-Uy, ang problema ay hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa paraan ng pagtuturo na importanteng salik sa pagkatuto.
“Thus, to address this extremely disappointing outcome, this bill aims to restructure and reconsider the present education system with the focus aligned on enhancing learning,” aniya.
Dahil dito, mas mabuting gumamit ng ladderized approach upang masiguro na masasanay ang mga estudyante sa kaalaman at kakayahan na dapat nitong matutunan sa bawat baitang sa halip na gumamit ng spiral progression approach na ipinatutupad sa ilalim ng RA 10533.
Inilarawan ni OFW Party-list Rep. Marissa Magsino ang spiral progression na isang educational technique kung saan nakatutok lamang sa pagtuturo ng basic facts na may mga detalye habang nagpapatuloy ang pag-aaral.
Kaiba sa ladderized approach, matututunan ng mga estudyante ang lahat ng mekanismo sa edukasyon at training na magbibigay pagkakataon sa mga ito na matutunan at mahasa sa technical-vocational at higher education programs o vice versa, tinukoy sa RA 10647 o ang Ladderized Education Act of 2014.
Aniya, dapat manatili ang spiral progressive approach sa Grades 1 hanggang 6, at ladderized approach ang ipatupad mula Grades 7 hanggang 12.
Saad din sa panukala ang pagbuo ng Teacher Education and Training Committee (TETC) upang mas mapabuti pa ang hiring at training process sa mga guro. RNT/JGC