MANILA, Philippines- Muling naalarma si Senador Grace Poe sa pagpapatuloy ng text scams at paggagmit ng subscriber identity modules (SIMs) sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa ikinasaang Senate Resolution No. 745, hiniling ni Poe sa kaukulang Senate committees na mag-imbestiga kung hustong naipatutupad ang Republic Act No. 111934 o ang SIM Registration Act isang taon matapos itong maisabatas.
“The law aims to protect users from scams and hasten law enforcement in investigating phone-related scams,” ayon kay Poe, principal author at sponsor ng batas.
“The registration of SIM should help unmask fraudsters and deny them of sanctuary to hide. But, are these being achieved?” dagdag ng chairperson ng Senate committee on public services.
Mahigit isang taon nang pagtibayin ang batas at sa gitna ng pagtatapos ng SIM registration, idiniin ni Poe na patuloy na kumakalat ang text scam at iba pang uri ng panloloko sa publiko.
Kamakailan, nilusob ng awtoridad ang isang POGO na nakumpiskahan ng libo-libong SIM cards na ginagamit sa illegal operation.
“Nakatakda sa batas na hindi dapat gamitin ang SIM sa illegal na gawain at kailangan naberepikad ang may-ari,” ayon kay Poe.
“Pero, napaulat na libu-libong rehistradong SIM ang nakumpiska na ginagamit sa scamming at iba pang cyber fraud na nagpalutang ng katanungan kung epektibo ang implementasyon ng batas,” dagdag niya.
Sinabi ni Poe na dapat ipaliwanag ng implementing agencies, telecommunications companies at law enforcement agencies kung bakit libo-libong SIMs ang ginagamit sa panlolokong operasyon na naiparehistro at kung gumamit sila ng pekeng indibidiwal o willing victims na nagbebenta ng pagkakakilanlan.
Ipinaalala ni Poe sa National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at iba pang ahensya na magsumite sa Kongreso ng report at update sa implementasyon ng batas. Ernie Reyes