Home OPINION LAGUNA PD DINIKDIK SA CONGRESS INQUIRY NG SUGAL

LAGUNA PD DINIKDIK SA CONGRESS INQUIRY NG SUGAL

“BUNTOT mo hila mo”, ito ang kasabihang tila hindi naiwasang mangyari sa pagitan ng mga opisyal ng Police Regional Office 4A kaugnay sa umiinit na  congressional probe sa illegal gambling sa CALABARZON.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig noong Marso 14, inamin ni PRO-4A P/BGen Kenneth Paul Lucas ang operasyon ng sugal sa kanyang area of jurisdiction subalit “deny to the bones” ito na may kinalaman siya sa mga iligal na gawain.

Sa harap nina Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez at ACT-CIS partylist Rep at deputy speaker Erwin Tulfo ay idinikdik ni Lucas ang lalawigan ng Laguna bilang numero uno sa dami ng operasyon ng sugalan.

Sa kanyang nasasakupan  na mga probinsya sa CALABARZON,  nangunguna ang Laguna, sumunod ang Batangas, Cavite, Rizal at huli ang lalawigan ng Quezon sa usaping iligal na pasugal.

Sa unang ratsada ng inquiry ay walang umaamin na may kinalaman sa gambling operation, subali’t dahil sa matapang na pagtatanong nina Fernandez at Tulfo ay napilitang sumagot at nagpaliwanag si Lucas.

Sa ngayon,  ang vice activity sa rehiyon ay nahinto matapos ang dekadang pamamayagpag, maliban sa ilang operator na hindi alintana ang nagaganap na congress inquiry, ayon sa isang  Crame official.

At kung pagbabasehan ang rebelasyon ni Lucas hinggil sa pagiging notoryus ng Laguna sa illegal gambling, aba’y, tila may katotohanan nga ito dahil nagpapatuloy ang operasyon ng iligal na sugal sa lalawigan.

Sa Batangas, Cavite, Rizal at Quezon ay natigil ang sugalan dahil ipinag-utos ng provincial commanders, ang Laguna ay tuloy-tuloy lang na animo’y  ‘di alam ni P/Col. Gauvin Mel Unos ang nangyayari sa kanyang AOR.

Ang matindi rito, mga aktibong pulis pa na pinangunahan ng isang sarhento  na nakatalaga sa Calamba Police Station ang  operator ng STL con jueteng at lotteng sa buong  Calamba, kasosyo si alyas “Macmac” at isang nagngangalang George.

Sa bayan  ng Cabuyao, may pa-bookies din ang isang sarhento, na kasama niya sa illegal gambling business ang isa pang pulis at isang dating pari na kilalang alias “Levies”.

Dapat itong aksyunan ni Unos dahil isang malaking dagok ito sa kanyang liderato.

Sa agos ng isinasagawang pagsilip ng mga kongresista sa vice operation sa CALABARZON,  unti-unti ay lumalabas ang mga detalyeng nagtuturo ng katotohanan sa ‘di matigil-tigil na gambling operation sa rehiyon.

Hindi kaya may kinalaman ang mga opisyal ng mga bayan at lalawigan?

‘Ika nga ni Gus Abelgas “Hindi nagsisinungaling ang ebidensya”.

Previous article3 SA 4 PINOY HANDANG LUMABAN PARA SA BANSA
Next articleLAHAT ‘NAKAMATA’, MAY ‘NILULUTO’ KAYA?