Home OPINION LAHAT IDARAMAY, LEADERS TATAKBO SA ‘MERIKA

LAHAT IDARAMAY, LEADERS TATAKBO SA ‘MERIKA

WALANG sibi-sibilyan, walang ospi-ospital, walang simba-simbahan o mosque-mosque, walang mili-militar, walang pulis-pulis.

At lalong wala ang lahat kapag ginamit ang mga bombang atomika o nukleyar gaya nang ginawa ng mga Kano sa Hiroshima at Nagasaki, Japan noong World War 2.

Ito ang kabuuang mukha ng gyera ngayon.

Lahat target ng mga bomba, missile, drone, kanyon, baril at iba pang mga armas pandigma.

Malinaw na sampol ang Gaza Strip na bansa ng mga Palestino at halos wala nang matirhan ang mga tao sa North Gaza dahil dinurog ng missile, bomba at kanyon ang mga bahay at iba pang mga gusali.

Marami ring ganitong larawan sa Ukraine at ilang bahagi ng Russia.

Dinudurog din ng mga pwersa militar ng United States at United Kingdom ang maraming lugar sa Yemen na lugar ng mga Houthi.

Dudurugin ka para maging wala kang kalaban-laban.

Kaugnay nito, iniisip ng Lupa’t Langit ang digmaang posibleng kahaharapin ng ‘Pinas dahil sa pakikipagbuno nito sa China sa ilang isla at batuhan sa West Philippine Sea.

Kapag nagkagyera  sa pagitan ng Pinas at China, hindi lang mga pasilidad na sakop ng mga Enhanced Defense Cooperation Agreement ang bobombahin, mimisaylin at kakanyunin kundi pati ang Camp Crame, Camp Aguinaldo at Camp Bonifacio at iba pa.

Malulumpo ang pwersang pulis at militar ng Pinas.

Pero ito ang tiyak — magsisiliparan at magtatago sa ‘Merika ang mga lider ng bansa, pati ang mga matatapang lang sa salita na nagsasabing ipaglaban ang mga malalayong isla o batuhan sa karagatan.

Ang mga sundalo at pulis na mamatay sa digmaan, magkakaron ng mga pensyon at iba pang mga benepisyo ang kanilang mga pamilya.

Ang mga sibilyan?

Hanggang mga martir at biktima lang ba na matapos ang durugan, aalayan lang ng bulaklak at dasal?

Naku, dapat magmuni-muni ang lahat bago makigyera sa kung kani-kanino.

Previous articleP698.8-M lotto jackpot naiuwi ng lone bettor
Next articlePag-insulto ng Tsina kay PBBM pinalagan ng PH Defense chief