Home OPINION LAHAT ‘NAKAMATA’, MAY ‘NILULUTO’ KAYA?

LAHAT ‘NAKAMATA’, MAY ‘NILULUTO’ KAYA?

HINDI lang ang Department of Environment and Natural Resources at Department of the Interior and Local Government ang matindi ang pagmamasid sa mga pangyayari sa isang resort na naitayo sa paanan ng isa sa dinarayong tourist spot sa Bohol.

Bakit ang House of Representative at Office of the Ombudsman ay interesadong-interesado sa mga kaganapan sa Captain’s Peak Resort sa Sagbayan, Bohol na mismong paanan ng kilalang Chocolate Hills, isang protected area sa Sagbayan, Bohol?

Nagtayo na ang DILG ng isang task force na mag-iimbestiga upang alamin kung paano naitayo ang resort bagaman wala itong environment compliance certificate.

Ayon sa DILG, mananagot ang mga lokal na opisyal na mapatutunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin o kasama sa mga paglabag na dahilan kung kaya’t nabigyan ng building permit ang pagtatayo ng nasabing resort.

Nanindigan ang ahensiya ng pamahalaan na pinamumunuan ni Secretary Benhur Abalos Jr. na kapag napatunayang nakipagsabwatan o kaya naman ay hindi tumupad sa kanyang mandato ang sinomang lokal na opisyal ng Bohol ay tiyak na sasampahan ng kaso na maaaring maging puwang sa kanyang pagkakasuspinde o kaya naman ay pagkakasibak sa trabaho.

Nabunyag ang pagkakatayo ng Captain’s Peak Resort nang punahin ng isang netizen ang kinalalagyan nitong protected area na naging daan upang mabunyag ang resort na ipag-utos na rin ang pagsasara.

Sinabi naman ng tagapamahala ng resort  na pinayagan sila ng lokal na pamahalaan na makapagtayo ng resort at makapagnegosyo bagaman walang iprinisintang ECC mula sa DENR na naunang nag-isyu na ng temporary closure order noong Setyembre, 2023.

Maging si Rep. Erwin Tulfo, ng ACT-CIS Partylist, ay nagsabing ang pangit tingnan ng Captain’s Peak Resort na nasa pagitan ng dalawang bundok na ikinakatwiran ng manager ng nasabing resort na hindi nila ginalaw ang Chocolate Hills.

 

Sabi nga ni Pareng Congressman Erwin, para itong kulugo na tumubo sa mukha na ang pangit tingnan. Bakit nga pangit? Kasi nga idineklarang National Heritage ang lugar tapos binaboy lang nitong resort.

Pero ang pakikisawsaw mismo ni Speaker Martin Romualdez sa usapin, aba parang nakapagtataka. Hindi ba dapat ay manahimik lang siya at bigyang timbang ang sinasabi ng magkabilang panig.

Kaduda-duda naman. Hindi kaya may nilulutong isang himala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso? Teka lang, ano na nga ang mga pangyayari sa Charter Change?

 

 

Previous articleLAGUNA PD DINIKDIK SA CONGRESS INQUIRY NG SUGAL
Next articleEASE OF DOING BUSINESS LAW, EPEKTIBO BA?