MANILA, Philippines – Inirerekomenda ng Philippine embassy sa Tel Aviv ang indefinite suspension sa lahat ng biyahe patungong Israel kasabay ng nagpapatuloy na kaguluhan sa nasabing bansa.
Binanggit ng embahada ang “volatile security situation” na dahilan para agad na suspendihin “indefinitely” ang mga biyahe, “or until such time that the situation has stabilized.”
Sa ngayon ay bukas pa rin ang Ben Gurion International Airport ng Israel para sa mga biyahe sa pagitan ng Pilipinas at Israel.
“Those with confirmed flights, however, are advised to check with their travel agency for possible flight cancellations,” saad sa pahayag ng embahada.
Matapos ang biglaang paglusob ng Hamas sa Israel, pormal na idineklara ng Israel ang giyera laban dito.
Sa huling ulat ay sumampa na sa 1,000 ang bilang ng mga nasawi kung saan 700 ang Israelis at 400 ang Palestinians.
Ayon naman sa Philippine embassy, dalawang Filipino ang nasaktan sa kaguluhan sa Israel.
Sinusuri na rin umano ng mga awtoridad ang report na may mga Filipino na nabihag din ng Hamas, ayon kay Consul General and Deputy Chief of Mission Anthony Mandap. RNT/JGC