Home NATIONWIDE Lalaki arestado ng NBI sa illegal access, computer-related fraud

Lalaki arestado ng NBI sa illegal access, computer-related fraud

MANILA, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang indibidwal sa Pasig City matapos magreklamo ang Gardenia Bakeries Philippines ng Economic Sabotage, Illegal Access at Computer-Related Fraud.

Ayon sa NBI, isang kahina-hinalang indibidwal umano ang nagkaroon ng access ng walang otoridad sa Shell Fleet Hub Account ng Gardenia at gumawa ng bagong users na nagresulta ng illegal na pagkuha ng diesel at gasoline products sa ibat-ibang Shell Gasoline Stations na aabot sa halagang P14,475,556.26.

Ang pagsusuri sa mga isinumiteng IP log ay natuklasan na nagkaroon ng pag-access sa account maliban sa kanilang opisyal na IP.

Ang ilegal na pag-access na ito ay humantong sa malisyosong paglikha ng ilang Shell Fleet Hub account sa ilalim ng mga hindi awtorisadong pangalan.

Sa nakalap na mga ebidensya, at pahayag mula sa mga testigo, natukoy na ang target na personalidad ay si Mr. Gurdeepo alyas Gary at iba pang occupants sa #22 Ausmolo Cmpd., Ilaya St., Buting, Pasig City.

Noong Hunyo 20, 2024, sa bisa ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD), ang mga operatiba ng NBI-Counter Intelligence Division (NBI-CID) at NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) ay tumuloy sa target na lugar .

Doon, natuklasan ng mga operatiba ang ilang mga electronic device. Nakuha rin ang tatlong ID na tila huwad at tila ginamit sa mga transaksyon.

Nakadiskubre rin ang NBI ng drug paraphernalia sa loob ng kuwarto ni Gurdeepo Singh Evora Parmar.

Sa eksaminasyon ng NBI-Forensic Chemistry Division (NBI-FCD), ang improvised tooters ay nagpositibo sa methamphetamine.

Iniharap kay NBI Director Jaime Santiago si Parmar sa Pasig City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa Section 12 at 15 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at Article 172 (Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents) ng Revised Penal Code.

Ayon sa NBI, ang mga resulta ng pagsusuri ay makikita sa panghuling ulat ng forensic at dapat gamitin bilang pangunahing ebidensya para sa direktang paghahain ng Computer-Related Fraud Cases laban sa suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden