MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki sa ikinasang entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng PNP Anti Cybercrime Group at Manila Police District (MPD) sa Bocaue, Bulacan.
Kinilala ang suspek na si Ravinner Denusta Cruz, 27, residente ng Del Pilar St., Bagumbayan, Bocaue, Bulacan.
Ang pag-aresto sa suspek ay bunsod ng reklamo mula sa 27 taong gulang na dalaga ng Sampaloc, Maynila dahil sa kasong paglabag sa grave coercion, Anti Photo at Video Voyeurism at Violence Againts Women and their Childrens Act na lahat ay pasok sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa panayam kay MPD-PIO Major Philipp Ines, maaari aniyang nagkaroon ng relasyon ang dalawa at mayroong mga pribadong larawan na siyang ipinananakot ng suspek laban sa complainant.
Base sa report, pinilit ng suspek na makipagkita ang complainant sa kanya sa barangay Turo Terminal sa Bocaue, Bulacan kapalit ng halaga at sekswal na pabor na gagawin sa Viera Hotel upang burahin ang nude video ng biktima.
Agad namang nagpasaklolo ang biktima sa mga kinauukulan at pinlano ang entrapment operation laban sa suspek kung saan ito naaresto sa Governor Fortunato Halili Avenue, Bocaue, Bulacan.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang iPhone 11 at tatlong piraso ng ibat-ibang identification card sa ilalim ng pangalan ng suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden