MANILA, Philippines – HINIHINALANG sadyang hinulog o nagpakamatay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki makaraang matagpuan ito sa ibabaw ng media agua (canopy) sa loob ng University of the East (UE) sa Claro M. Recto Avenue, Barangay 404, Sampaloc, Manila, nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 22.
Tinatayang nasa edad 35 hanggang 40 anyos ang biktima, nasa 5’5 ang taas, nakasuot ng kulay puti na may itim na T-Shirt at itim na long pants.
Batay sa ulat ng Manila Police District -Barbosa Police Station 14, bandang 2:05 ng hapon nang makatanggap sila ng report hinggil sa naturang insidente.
Dahil dito, agad na rumesponde si Police Corporal Joseph Ferrer at agad na kinordon ang lugar saka ipinagbigay alam sa tanggapan ng MPD- Homicide Section kasunod ang Forensic Unit.
Isang estudyanteng babae ang nakapanayam ng pulisya na di-umano’y habang naglalakad siya sa Campus sa 2nd floor nang makarinig ito ng malakas na kalabog.
At ng kanyang tingnan, isang lalaki ang nakahandusay sa canopy.
Dahil dito, agad niya itong ipinagbigay alam sa Head Security ng eskuwelahan na siyang nag report sa pulisya.
Gayunman, masusing iniimbestigahan ng pulisya kung may foul play lalo na walang nakakakilala sa biktima. Rene Crisostomo