DAVAO CITY – DUGUANG bumulagta ang isang lalaki matapos barilin ng kaalitan nito makaraan palihim umano nitong kuhanan ng larawan sa kanyang cellphone noong Miyerkules sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Aurel Joy Baucan, 41, habang nadakip naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Budz Derek Keesey Dela Cruz, nasa hustong gulang, nagtatrabaho sa isang BPO company at kapwa nakatira sa Davao Executive Homes Matina, Davao City.
Batay sa report ng Ecoland Police Station, bandang 9:00 AM nang maganap ang krimen sa Cortina St., ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, papunta sana sa tindahan ang biktima para bumili ng sigarilyo ng makita ng magkrus ang kanilang landas ng suspek na dati na umanong may alitan.
Dahil dito, palihim umanong kinuhanan ng larawan ng biktima ang suspek na ikinagalit ng huli kaya agad itong bumunot ng baril at pinagbabaril ang una.
Duguan bumulagta sa daan ang biktima at nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Isinuko naman ng suspek ang baril na ginamit nito sa krimen at posibleng maharap sa kasong pagpatay. Mary Anne Sapico