Home NATIONWIDE Lalaking bumunot ng baril sa Rizal road rage parak pala

Lalaking bumunot ng baril sa Rizal road rage parak pala

MANILA, Philippines – Natuklasang pulis pala ang nag-viral na lalaki na nakamotorsiklo at bumunot ng baril na akmang nagbabanta sa isang trak driver sa insidente ng road rage sa Rizal.

Ang kanyang pagkakakilanlan ay kinumpirma ng isang pulis na nakatalaga sa Morong, Rizal Municipal Police Station.

Kumpiramdo na ring tinanggal sa puwesto ang nasabing parak habang inihahanda ang reklamo laban sa kanya.

“Ang ginawa naman ng hepe ng Morong is restrictive custody at nandoon naka confine lang sa police station pina recall ko na rin ang kanyang service firearm,” ani Police Colonel Felipe Maraggun, police director of the Rizal Province Provincial Office.

Sa isang video na ipinost sa Facebook, nakita ang isang lalaki na may hawak na baril at hinaharangan ang trak.

Ayon sa driver ng trak, nagpakilalang pulis ang lalaki sa kabila ng suot na damit na sibilyan.

Samantala, wala pang reklamo laban sa pulis ang driver ng 16-wheeler truck.

Sinabi ng pulis sa hepe ng Morong police na pauwi siya sa bayan ng Morong mula sa Antipolo City nang makasagupa niya ang trak sa kahabaan ng Antipolo-Teresa Road noong Hunyo 16.

Inutusan niyang huminto ang trak ngunit dalawang beses siyang hindi pinansin. Huminto lang ang trak sa ikatlong pagkakataon, kung saan nakuhanan ng video ang pulis na may hawak na baril.

“Definitely, hindi natin pagtatakpan ang pagbunot ng baril pero ang kanyang version ay nagpi-freewheeling lang daw siya sa zigzag road sa Antipolo-teresa road na yun then all a sudden may nag-overtake sa kanyang 16-wheeler truck na ki-nut daw sya, ” ani Morong Chief Police Major Rosalino Panlaqui.

Pinaalalahanan ni Maraggun ang mga motorista na manatiling kalmado sa pagmamaneho sa pamamagitan ng paghinga ng malalim at pagbibilang mula isa hanggang 10. RNT