MANILA, Philippines – Inaresto ng mga operatiba mula sa Philippine Drug Enforcement Agency-Central Luzon (PDEA 3) ang claimant ng isang package na naglalaman ng P2,120,000 halaga ng ketamine na dumating sa Clark Freeport.
Sa pahayag, kinilala ng PDEA-3 ang claimant na si Danilo de Guzman alias “John Vincent Cruz”, 23-anyos at naninirahan sa Sampaloc, Manila.
Inaresto ang suspek sa bahay nito sa isang controlled delivery operation matapos na tanggapin ang package mula sa undercover PDEA agent na nagpanggap na delivery personnel ng isang courier company.
Ayon kay Glen Guillermo, PDEA 3 public information officer, ang package ay dumating sa Port of Clark mula Poland noong Mayo 14 at idineklarang mga kandila.
“Ketamine is a dangerous drug classified as a hallucinogen. It can sedate, incapacitate, and can cause short-term memory loss,” pagbabahagi ng PDEA.
Mahaharap ang naaresto sa paglabag sa Section 4 ng Republic Act 9165. RNT/JGC