Home METRO Lalaking ‘high’ inatake sa buy-bust, patay!

Lalaking ‘high’ inatake sa buy-bust, patay!

MANILA, Philippines – Inatake sa puso at nasawi ang isang lalaki na high sa shabu kasabay ng isang raid sa drug den sa Ormoc City, Leyte nitong Huwebes, Hunyo 20.

Kinilala ang nasawi na si Richard Landero, parokyano ng drug den.

Naaresto naman sina Christopher Estrera, 42, drug den operator; at iba pang mga parokyano na sina alyas Aileen P, alias Tito L, at alias Jhonny K.

Si Estrera ay nasa listahan ng mga target ng Police Regional Office-8 sa kanilang drug watchlist.

Naaresto ito matapos na makabili ang police poseur-buyer ng sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,000 mula sa kanya.

Narekober ng mga awtoridad ang mahigit 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon sa operasyon.

Nakuhanan din si Estrera ng .45 caliber na pistola na may pitong bala, itim na coin purse at 29 sachet ng shabu.

Nakuha naman kay Aileen P ang tatlo pang sachet ng shabu na may estimated street value na P2,000.

Aminado naman si Estrera na pagmamay-ari nito ang mga narekober na illegal na droga mula sa kanya.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. RNT/JGC