MANILA, Philippines – Tumalon sa ikatlong palapag ng gusali ng Manila City Hall ang lalaki na una nang inaresto dahil sa pagpapaputok sa manpower agency sa Ermita, Maynila.
Batay sa kuha ng CCTV ng Manila City Hall, alas-11 ng umaga nitong Miyerkules, Hulyo 12
ay makikitang naglalakad ang suspek na si Lyle Adams Fernandez y Yanguas, 32-anyos, construction worker, sa pasilyo ng gusali kasama ang kanyang escort na nasa unahan.
Ayon sa pulisya, nakatakdang isailalim sa Inquest Proceedings sa opisina ni Assistant City Prosecutor Glen R Romano ang suspek nang mangyari ang insidente.
Inasistihan ito ng dalawang pulis na kapwa nakatalaga sa Ermita Police Station kung saan inaalam na rin kung mayroon silang pananagutan o pagpapabaya sa nangyaring tangkang pagpapakamatay ng suspek.
Agad na itinakbo ng MDRRMO Rescue Team ang suspek sa Philippine General Hospital matapos mabali ang kanang binti, at magtamo ng mga sugat.
Ayon sa pulisya, buhay ang suspek at patuloy na ginagamot sa naturang ospital. Jocelyn Tabangcura-Domenden