Home METRO Lalaking nagpanggap na dadalaw sa ‘fake wife’ sa Macau hinarang ng BI

Lalaking nagpanggap na dadalaw sa ‘fake wife’ sa Macau hinarang ng BI

MANILA, Philippines – HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang hindi makaalis ng bansa ang isang 25-anyos na lalaki noong bisperas ng Pasko matapos magpakita ng mga pekeng dokumento kung saan pupuntahan nito ang kanyang pekeng asawa sa ibang bansa.

Ayon sa BI, ang lalaking itinago ang pangalan bilang pagsunod sa mga batas laban sa trafficking, ay nagtangkang umalis patungong Macau noong Disyembre 24 sa NAIA Terminal 3.

Nabatid na sinabi ng lalaki na maglalakbay siya sa ibang bansa para bisitahin ang kanya umanong asawa na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Macau. Nagpakita siya ng marriage certificate bilang pagpapatunay ngunit napansin ng mga opisyal na peke ang dokumentong ipinakita niya.

“We suspect he might be traveling after being illegally recruited to work abroad, hence the story and the fake document,” ani BI Commissioner Norman Tansingco.

Inamin ng lalaki na binili niya ang dokumento sa Facebook sa halagang P1,500, na sinubukan niyang gamitin para ipakita sa immigration.

Muling nagbabala si Tansingco sa mga naghahangad na OFW na huwag sumang-ayon sa mga iligal na pamamaraan para magtrabaho sa ibang bansa.

“Despite the holiday season and the festive mood, our officers are not letting their guard down,” babala ni Tansingco.

Ang lalaki ay isinangguni sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at tulong. JAY Reyes

Previous articlePatay sa Bukidnon clash ng NPA at sundalo, umakyat na sa 10
Next article16 sugatan sa sumalpok na jeep sa puno sa Rizal