MANILA, Philippines – SWAK sa selda ang lalaki na sinita lang ng mga pulis sa paninigarilyo nang makumpiska sa kanya ang dalang sumpak Martes ng tanghali sa Caloocan City.
Hindi muna pinangalanan ni Calocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang suspek hangga’t hindi pa tiyak ang wasto niyang edad matapos masukol ng mga tauhan ni P/Capt. Dexter Agres, Commander ng Police Sub-Station 13 sa Bagong Silang, Brgy. 176.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station-13 sa Brgy. Bagong Silang nang matiyempuhan nila ang ginagawang paninigarilyo sa pampublikong lugar ng suspek.
Nang sitahin para at iisyuhan sana ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay biglang kumaripas ng takbo ang suspek patungo sa Phase 7C kaya’t hinabol na siya ng mga pulis hanggang sa tuluyang masukol.
Nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang sumpak na may kargang 12 gauge na bala ng shot gun.
Sa halip na multa lamang sa paglabag sa ordinansa, sinampahan ng mga pulis ng kasong paglabag sa of R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Rene Manahan