Home NATIONWIDE Lalaking umatake sa pamilyang Pinoy sa LA, makukulong ng 848 araw

Lalaking umatake sa pamilyang Pinoy sa LA, makukulong ng 848 araw

CALIFORNIA – Sinintensyahan si Nicholas Weber, 32, ang indibidwal na umatake sa isang pamilyang Pilipino sa isang fast-food establishment sa North Hollywood sa Los Angeles, California noong 2022, ng Los Angeles District Court ng 848 araw sa kulungan.

Nagdesisyon ang korte na huwag nang ituloy ang hate crime enhancement charge laban kay Weber subalit sinampahan ito ng felony at misdemeanor charges.

Noong May 13, 2022, bumibili ang mga biktimang sina Patricia Roque at kanyang ina ng pagkain sa isang drive-thru restaurant. Doon, binangga ni Nicholas Weber, na nagmamaneho ng SUV, ang likod ng kotse ng mag-ina.

Sinabi ni Patricia na sinabihan pa sila ni Weber ng “racial slur” at pinagbantaan sila, at inihayag ang intensyong patayin sila. Dahil sa takot, tinawagan ni Patricia ang kanyang ama.

Pagkarating ng ama ni Patricia, dito na naging marahas si Weber.

Pisikal na inatake ni Weber ang ama ni Patricia na si Gabriel, maging ang kanyang ina. Nagtamo ang ama ni Patricia ng “broken rib” mula sa pag-atake, habang ang nagtamo ang kanyang ina ng physical injuries.

Sinabi ng korte na dahil hindi nagsabi ng “racial slurs” si Weber habang inaatake ang pamilya, itinuturing umano itong general intent crime.

Bukod sa pagkakakulong ng 848 araw s Los Angeles County Jail, ipinag-utos din ng korte na kumpletuhin ni Weber ang 18-month alcohol program, lumahok sa 40 anti-bias group therapy sessions, at dumalo sa 40 individual therapy sessions.

Pinagbawalan si Weber na lapitan ang pamilya Roque at pinagbabayad sa mga biktima.

Samantala, dismayado naman ang pamilya Roque sa hatol ng korte. RNT/SA

Previous article‘Cashless policy’ paiiralin ng BuCor sa lahat ng kulungan sa Setyembre
Next article5 durugista timbog sa P102K ‘shabu’ sa sinalakay na drug den sa Bulacan