MANILA, Philippines- Inilabas ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Miyerkules ang larawan ng dalawang persons of interest sa pamamaril sa isang photojournalist sa Quezon City nitong June 29.
Mga larawan kuha ni Danny Querubin
Sa isang press conference, ipinakita ni QCPD chief Police Brigadier General Nicolas Torre III sa media ang mga larawan mula sa CCTV footage na kuha ilang oras bago ang pag-atake.
Base kay Torre, may ideya na umano ang mga pulis hinggil sa pagkakakilanlan ng persons of interest.
“Alam ko nanunuod sila. So I really think it is best for their interest to just surrender. I think they are outside Metro Manila. Yung iba sa kanila outside Metro Manila,” ani Torre.
Noong June 29, sakay si Rene Joshua Abiad, photographer ng Remate Online, ng kotse kasama ang ilan niyang kaanak sa Barangay Masambong nang harangin ito ng isa pang sasakyan.
Lumabas sa sasakyan ang isang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at pinagbabaril sila bago tumakas. Makikita rin ang isang motorcycle rider na nagsilbing lookout.
Sinabi ng mga awtoridad na nasa loob ng sasakyan ang anim pang biktima, kabilang ang tatlong menor-de-edad.
Nasawi ang 4-anyos na pamangkin ni Abiad matapos tamaan ng bala sa ulo sa nasabing insidente, base sa kumpirmasyon ng QCPD.
Natukoy na ng mga awtoridad ang limang persons of interest sa pag-atake. RNT/SA