MANILA, Philippines- Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasama sa nitrous oxide, kilala rin bilang “laughing gas,” sa listahan ng dangerous drugs sa bansa sa gitna ng mga ulat ng misuse.
Inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo nitong Lunes na nakikipag-ugnayan na ang pulis sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos makatanggap ng ulat ng mga lobong naglalaman ng laughing gas na ibinebenta sa isang club sa Pasay City.
“The PNP is now studying the possibility kung ipapasama natin as dangerous drug itong nitrous oxide because of its harmful effects, particularly dito sa mga events sa area na mayroong nagko-conduct ng mga party,” pahayag ni Fajardo.
Karaniwang ginagamit ang nitrous oxide sa mga ospital bilang uri ng anesthesia at dapat na pangasiwaan ng doktor. Base kay Fajardo, ang mga makakasinghot nang lampas sa pinapayagang amount ay karaniwang nagpapakita ng “elation and high energy.”
Subalit, hindi ito itinuturing na illegal substance sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Pinag-aaralan pa talaga kung beyond those indications na ikaw ay nagiging energetic and high ka, kung mayroon pang ibang harmful effect,” ani Fajardo.
“But because it’s not considered a dangerous drug, hindi siya masasampahan ng kaso under RA 9165. At the very least, masasampahan sila ng violation ng Presidential Decree 1619 or yung illegal use nitong chemical substance na sinasabi natin,” patuloy niya. RNT/SA