MANILA, Philippines – Handa na ang lahat sa idaraos na 2023 Bar Examination na nagsimula ngayong araw, ganap na alas-8:00 ng umaga.
Nasa 10,816 na aspirante ang kukuha ng pagsusulit na isasagawa sa 14 na local testing centers (LTC) sa buong bansa.
Ayon sa Office of the Bar Comfidant ng Korte Suprema, mula sa 10,816 na bilang ay 5,832 ang itinuturing na “first timers“ habang ang 4,984 ay muling susubok makaraang bigong makapasa sa mga nakalipas na pagsusulit sa pagka-abogado.
Tinatayang nasa 2,571 na bar personnel sa buong bansa ang itinalaga sa national headquarters sa San Beda College sa Alabang at sa 14 na local testing centers (LTC).
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando, chairperson ng 2023 Bar, anim na core subjects ang aprubado ng Court En Banc.
Ito ang Political and Public International Law (15%); Commercial and Taxation Laws (20%); Civil Law (20%); Labor Law and Social Legislation (10%); Criminal Law (10%); at Remedial Law, Legal and Judicial Ethics with Practical Exercises (25%).
Samantala muling ipinaalala ng SC na hindi na kinakailangan na magpakita ng negative RT-PCR o Antigen test results ang mga kukuha ng Bar Examinations.
Sa inilabas na bagong guidelines ng Office of the 2023 Bar Chairperson para sa Bar Exams 2023, inalis na ang dating patakaran na pagsusumite ng negative COVID test result at sa halip, hinikayat ang mga examinees na magpabakanuna laban sa COVID-19.
Samantala ipinaalala rin ni Hernando na ang Bar Examinations ay hindi lamang pagsusulit para makapasok sa propesyon kundi isa ring court proceeding.
Dahil dito, anumang paglabag sa panahon ng Bar Examinations ay ituturing na contempt of court.
Mariing ipinagbabawal pa rin ang tradisyon noon na Salubong at iba pang pagtitipon para sa mga kumukuha ng Bar. Teresa Tavares