Learning Continuity Plan ng DepEd, dapat angkop sa kapasidad ng LGUs – Gatchalian

Learning Continuity Plan ng DepEd, dapat angkop sa kapasidad ng LGUs – Gatchalian

June 30, 2020 @ 11:01 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Hinimok ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang mga local government units (LGUs) na tulungan ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng Learning Continuity Plan (LCP) sa sitwasyon o kapasidad ng bawat lungsod, munisipalidad, o probinsya.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, na kailangan matiyak ang mga pamamaraan ng pagtuturo upang maging mabisa sa mag-aaral, guro at magulang at siguruduhin na magagamit nila ito kapag nagbukas na ang klase.

Dahil maraming komunidad ang walang gadget o hindi konektado sa internet, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang tukuyin at isulong ng LGU ang mga pamamaraan ng pagtuturong abot-kamay ng mag-aaral, lalo na sa liblib at malalayong lugar.

Bagama’t may LGU na nagpapamahagi na ng mga gadgets at internet load sa kanilang mag-aaral, ipinaaalala ni Gatchalian na hindi lahat ng LGU ay may kakayahang gawin ito.

Aniya, may ilang LGU na kaya lamang suportahan ang pamamahagi ng printed self-learning modules o ang pagtuturo sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.

Ayon kay Gatchalian, dito pumapasok ang kahalagahan ng mapping system upang gabayan ang DepEd at LGUs sa iba’t ibang pamamaraan ng distance learning, kabilang ang paglikha ng learning materials.

Sa Valenzuela, halimbawa, nagkaroon ng isang survey kung saan lumabas na Facebook Live ang napiling gamitin para sa pag-aaral ng mga bata ngayong darating na pasukan. Dahil dito, nagpasya ang Valenzuela City na mamahagi ng smartphones upang magamit sa panonood ng aralin sa Facebook Live.

Ang pagkakaroon ng mapping system para sa distance o hybrid learning ay isinusulong ni Gatchalian sa kanyang panukalang ‘Education in the New Normal Act’ na maglalatag ng tinatawag na Safe Schools Reopening Plan sa panahon ng krisis at sakuna.

Sa naturang panukala, inaatasan ang DepEd na magkaroon ng mapping system na layong tukuyin kung ilang mag-aaral ang konektado sa internet at may nagagamit na gadgets.

“Upang maging mabisa ang Learning Continuity Plan o LCP na isinusulong ng DepEd, ang pagpapatupad nito ay dapat sang-ayon sa pangangailangan at kakayahan ng bawat lungsod, munisipyo, at probinsya, lalo na’t hindi lahat ay konektado sa internet. Kaya naman mahalaga ang papel ng mga LGU upang masigurong ang pagpapatupad ng LCP ay angkop sa sitwasyon ng mga kabataan at kanilang mga komunidad,” ani Gatchalian.

Sa isang pandinig sa Senado, iniulat ng DepEd na hinihintay nitong makumpleto ang datos ng enrollment para sa sarili nitong mapping para sa distance learning. Ernie Reyes

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...