Home NATIONWIDE LEDAC kinansela ni PBBM; hiwalay na nakipagpulong sa Senado, Kamara

LEDAC kinansela ni PBBM; hiwalay na nakipagpulong sa Senado, Kamara

MANILA, Philippines- Magkahiwalay na pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang miyembro ng Senado at Kamara kaya kinansela ang nakatakdang pulong ng Legislative Executive Advisory Council (LEDAC) upang talakayin ang sigalot sa people’s initiative sa Charter change.

Inihayag ito ni Senador Imee Marcos sa pagsasabing nagkaroon ng executive session ang liderato ng Senado at Kamara nang hiwalay kaya’t hindi natuloy ang meeting ng LEDAC.

Pinulong ni Marcos ang mga mambabatas hinggil sa hindi nagkakasundong pamamaraan sa pagbabago sa 1987 Constitution dahil isinusulong ni House Speaker Martin Romualdez ang people’s initiative na lulusaw sa kapangyarihan ng Senado sa pagboto sa charter change.

“Wala ng LEDAC kanina dahil nagmeeting muna [PBBM] sa mga senador, tapos hiwalay naman yung [HOR],” ayon kay Senadora Marcos sa text message sa reporters.

Kinumpirma ito ni Senate Majority Leader Joel Villanueva.

“LEDAC was postponed instead we had an executive session with the President,” ayon kay Villanueva.

Pinupulong ng Pangulo sa LEDAC ang bise president, Senate president, House speaker, miyembro ng Gabinete at iba pa upang magsagawa ng konsultasyon hinggil sa mga programa at patakaran na mahalaga sa pagsusulong ng adhikain sa pambansang ekonomiya at seguridad.

Tutukuyin sa LEDAC ang mahahalagang bagay na magtatakda ng ilang batas na bibigyan ng prayoridad ng dalawang kapulungan.

Unang pagkakataong kinansela ng Pangulo ang LEDAC na siyang nagsisilbing chairman nito, na pulungin ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso matapos magpalabas ng manifesto laban sa people’s initiative.

“Hindi kailanman magiging hadlang ang Senado sa pagpasa ng mga batas, pati amendment sa constitution, tungo sa ikabubuti at pagpapa-unlad ng bayan. Itong [people’s initiative] ang s’yang nagiging sagabal sa [tuloy-tuloy] naming trabaho,” ayon kay Senator Marcos. Ernie Reyes

Previous articleHuang sa WPS issue: ‘Follow the guidance of the President instead of any officials’
Next articleHigit 6K magsasaka na apektado ng pagbaha, pagguho ng lupa sa Davao Region