Home NATIONWIDE Leni Robredo sa pagtakbong senador sa Eleksyon 2025: Sinarado ko na

Leni Robredo sa pagtakbong senador sa Eleksyon 2025: Sinarado ko na

MANILA, Philippines- Hindi tatakbo si dating Vice President Leni Robredo sa Senado sa 2025 elections.

Inihayag ito ni Robredo sa isang panayam matapos ang Episcopal Ordination ni Bishop Luisito Occiano sa Minor Basilica and National Shrine of Our Lady of Peñafrancia sa Naga City nitong Biyernes.

“Sinarado ko na … kaya nagpaalam na ako sa LP (Liberal Party)…kaya ako nagpaalam sa LP na hindi na ako tatakbo sa Senado,” ani Robredo nang tanungin kung kinokonsidera niyang tumakbo sa Senado sa 2025.

“Sinabi ko na ang preference ko ay tatakbo akong alkalde ng Naga,” giit ni Robredo.

Nauna nang sinabi ni LP president at Albay lawmaker Edcel Lagman na nagdesisyon na si Robredo na tumakbo bilang Naga City mayor sa 2025 polls.

Si Robredo, pinuno ng tinatawag na “Kakampinks”, ang biyuda ng pumanaw na si dating Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Jesse Robredo. Nanungkulan ang huli bilang alkalde ng Naga.

Sa parehong panayam, sinabi ni Robredo na pinag-isipan niyang mabuti ang pagkandidato bilang Naga City mayor sa 2025.

“Ang preference sa pagtakbo sa Naga matapos ang mahabang pag balanse ng mga mabuti at hindi mabuting epekto sa lalabanan. Maraming kunsiderasyon…kung saan ako pinaka kailangan, saan pinaka magiging epektibo, ano ang abot ng makakaya ng aking mga resources,” wika ni Robredo.

Subalit, sinabi ng dating Bise Presidente na hindi siya maglalabas ng opisyal na anunsyo sa kanyang plano para sa 2025 election dahil mayroon pa umano siyang mga obligasyon.

“Kapag sinabi kong marami na akong kailangan ma tie na loose ends, marami kasi akong obligasyon na matatalikuran kung ako’y tumakbo bilang alkalde. Ang gusto ko sana bago ‘yung announcement, naayos ko na lahat. Hindi porket nagdesisyon akong tumakbo sa pagka alkalde ng siyudad eh papabayaan ko na sila,” ani Robredo.

“Sa LP, nakapaalam na ako, sa ibang miyembro [rin] ng oposisyon. Sa Angat Buhay, hindi pa ako nakakapagpaalam. Ang mga obligasyon ko at speaking engagements, tinatapos ko pa. We just had fundraising events in the US and Canada. And this Sunday, I will attend the Angat Buhay board meeting. Kailangan ng wasto at maayos na turnover. Pero ang preparasyon talaga, patungo sa pagtakbo bilang alkalde ng Naga,” dagdag niya. RNT/SA