Home HOME BANNER STORY LGBTQIA+ Special Committee nilikha ni PBBM

LGBTQIA+ Special Committee nilikha ni PBBM

MANILA, Philippines – NAGPALABAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Executive Order 51, magpapatibay sa Diversity and Inclusion Program (DIP); muling magbubuo sa Inter-Agency Committee on Diversity and Inclusion; at lilikha ng Special Committee on Lesbian Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex and Asexual (LGBTQIA+) Affairs.

Sa isang limang-pahinang EO na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin nito lamang Disyembre 22, nakasaad dito na nakita ng Pangulo ang pangangailangan na muling pagtibayin ang DIP at buuin ang Inter-Agency Committee nito “to ensure the country’s continuouscompliance with its obligations under the International Covenant on Civil and Political Rights.”

Tinuran ng Pangulo na ang paglikha ng Special Committee on LGBTQIA+ ay naglalayong palakasin ang umiiral na mekanismo para tugunan ang patuloy na diskriminasyon laban sa komunidad at bigyan ang mga ito ng avenue na magpartisipa sa policy formulation ng gobyerno.

“The Inter-Agency Committee on Diversity and Inclusion is hereby reconstituted as the Diversity and Inclusion Committee,” ayon kay Pangulong Marcos.

Idinagdag nito na ang komite ay pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga Kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang tatayong co-chair ng Committee habang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary ang magsisilbing Vice Chair, ang Department of Education (DepEd) Secretary ang magsisilbi naman miyembro kasama ang mga Kalihim ng Department of Justice (DOJ) at Department of Health (DOH), at mga Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) at Special Committee on LGBTQIA+ Affairs.

Tinuran ng Pangulo na patuloy na gagampanan ng komite ang tungkulin nito sa ilalim ng umiiral na mandato at maaaring lumikha, mag-convene at i-reorganisa ang sub-committees, at/o working groups para tumulong sa pagganap ng kanilang tungkulin “subject to existing laws, rules and regulations.”

Samantala, nilikha ang Special Committee on LGBTQIA+ Affairs sa ilalim ng Inter-Agency Committee na may rank na Undersecretary na may tatlong miyembro na may rank na Assistant Secretary, itatalaga ng Pangulo mula sa mga miyembro ng kagalang-galang na LGBTQIA+ community.

Ang kopya ng EO ay ilalathala sa Official Gazette kung saan ang mga tungkulin ng special committee ay nakasaad. Kris Jose

Previous articleNumber coding suspendido mula Dis. 25 ‘gang 26
Next articleMiyembro ng Basag Kotse Gang patay sa shootout