Home HOME BANNER STORY Libreng college entrance exams sa kwalipikadong estudyante, batas na!

Libreng college entrance exams sa kwalipikadong estudyante, batas na!

MANILA, Philippines – GANAP ng batas ang isang panukalang batas na binibigyan ng mandato ang private higher education institutions na i-waive ang college entrance examination fees at charges sa mga estudyante na kuwaliikado para sa college admission.

Nag-lapsed ‘into law’ kasi ang Republic Act (RA) 12006, o Free College Entrance Examinations Act noong Hunyo 14, 2024.

Sa naturang batas, binibigyang-diin ang pangangailangan na tulungan ang mga ‘disadvantaged students’ na nakitaan ng potensiyal para sa academic excellence. Exempted ang mga kwalipikadong graduates at graduating students mula sa pagbabayad ng entrance examination fees na pangangasiwaan ng higher education institutions (HEIs).

Sa ilalim ng batas, ang isang graduating student ay magiging ‘eligible’ para sa waiver ng college entrance exams at charges subalit may limang kondisyon.

Una, ang graduate o graduating student ay dapat na natural-born Filipino citizen; Pangalawa, ang estudyante ay dapat na kabilang sa top 10% ng graduating class; Pangatlo, ang estudyante ay dapat na kabilang sa pamilya na ang pinagsamang kita ay mababa sa ‘poverty threshold’ na tinutukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA); Pang-apat, ang estudyante ay kinakailangan na mag-apply para sa college entrance exams sa kahit na anumang private higher schools sa loob ng bansa at ang Pang-lima ay kailangan na matugunan ang lahat ng requirements na hinihingi ng private school.

Pinahintulutan naman ang Commission on Higher Education (CHED) na idetermina at ipatupad ang tamang parusa laban sa mga pribadong eskuwelahan na lalabag sa batas.

May mandato rin ito na ipalaganap ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo nito sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd).

Kokonsultahin naman ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines, o katumbas na institusyon nito para sa pag da-draft ng IRR.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Pangulo ay mayroong 30 araw para lagdaan o i-veto ang isang batas na ipinadala sa kanyang tanggapan.”A bill lapses into law when the President does not act on it within 30 days,” ayon sa ulat.

Ang kopya ng RA 12006 ay maaaring makuha sa Official Gazette. Magiging epektibo ito agad sa oras na mailathala sa Official Gazette, o sa dalawang pahayagan na may general circulation. Kris Jose