
MAY nagpapanukala na higpitan nang todo ang pagpasok sa state universities and colleges, local universities and colleges, kasama na ang State-Run Technical Vocational Institutions.
Sampol ng SUC ang University of the Philippines at Polytechnic University of the Philippines habang sampol ng LUC ang University of Makati, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa at Universidad de Manila na itinayo ng Makati City, Marikina City, Muntinlupa City at Lungsos ng Maynila, ayon sa pagkakasunod.
Kasama rin dito ang lahat ng itinayo ng Technical Education and Skills Development Authority na training center nito.
Pangunahing anyo nang paghihigpit ang pagsalang sa mga nais pumasok sa mga SUC, LUC at TESDA sa estilong UP na kakaunti lang ang pumapasa.
Ang katwiran ng mga nagpapanukala, marami umano ang drop-out sa mga ito at sayang lang ang ginagastos ng gobyerno pero ang totoo, nais magtipid ang gobyerno ng salapi at gugulin sa ibang mga bagay ito.
LIBRENG EDUKASYON
Maalala ba ninyo ang Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) o Republic Act 10931?
Ito ang batas para sa libreng kolehiyo.
Isinulong na batas ito ni es-Senador Ralph Recto na inisponsoran ni ex-Sen. Bam Aquino at tinintahan ni es-Pangulong Digong Duterte noong Agosto 3, 2017 at pinondohan agad ng P40 bilyon.
Dito na nagsimulang dumagsa ang mga nagsisipasukan sa kolehiyo at unibersidad upang makatapos ng apat na taong kurso o ng kursong bokasyunal.
At ngayo’y naglalaro sa humigit-kumulang sa tatlong milyon taon-taon ang nakapapasok sa kolehiyo sa tulong ng batas na ito.
Kung tutuusin, hindi pa nararamdaman ang pakinabang sa mga graduate sa libreng kolehiyo mula sa mga nagsimula sa pag-iral ng batas.
Pero para sa mga nasa nasa second year at pataas na nauna nang naka-graduate, naririyan na sila bilang prayoridad ng mga employer kumpara sa mga graduate sa senior high school.
Mas mataas din ang employment rate para sa kanila sa labas ng bansa.
BANGAYAN
Ngayon nakikipag-bangayan si Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera III sa mga opisyal na pampinansyal ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos na nagnanais na bawasan ang badyet para sa nasabing batas o libreng edukasyon.
Sabi ng ilang finance officials, sayang lang umano ang gastos sa malawakang libreng kolehiyo dahil may mga tumitigil sa pag-aaral.
Kinontra naman ito ni De Vera sa pagsasabing sa pagpapairal ng batas, nagtatanim ang sambayanan ng puhunang panlipunan na napakahalaga para sa kinabukasan ng bansa.
Buo ang suporta natin sa laban ni De Vera na naglalayong maging may mataas na edukasyon ang higit na nakararaming Pilipino sa bisa ng batas para sa libreng kolehiyo.
Kapag nakatapos sa kolehiyo ang milyon-milyong mamamayan, aasahan natin ang mas mataas na kamalayan ng sambayanan na mabisang armas sa pagkamit ng magagandang bagay para sa buong bayan.
Leyben leng, Tserman.
ReplyReply to allForward
|