MANILA, Philippines- Nilahukan ng 200 empleyado ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang libreng civil service examination review nitong Pebrero 11 na nagnanais na mabigyan ng eligibility kasabay ng pagkakataon na magkaroon ng mas mataas na posisyon at sweldo sa gobyerno.
Ang pagsasagawa ng libreng civil service examination review ay proyekto ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar at Vice-Mayor April Aguilar.
Sinabi ni Aguilar na ang pagsasagawa ng libreng civil service review ay gaganapin ng anim na Sabado bilang preparasyon sa araw mismo ng Civil Service Examination sa darating na Marso 26.
Inatasan din ni Aguilar ang Human Resource Management Office (HRMO) na siguruhing preparado ang 200 empleyado na sumasailalim sa civil service exams review bago pa man sumabak ang mga ito sa mismong araw ng kanilang pagsusulit.
Ayon kay Aguilar, pangunahing layunin sa ilalim ng kanyang administrasyon ang proyektong ito para sa pagiging progresibo ng bawat empleyado sa kanilang pagtatrabaho.
Bukod pa sa pagiging progresibo sa trabaho, dagdag pa ni Aguilar na kapag naipasa nila ang pagsusulit ng Civil Service Commission (CSC) ay mabibigyan din ng pagkakataon ang isang empleyado na umasenso at umangat ng posisyon sa departamento ng kanilang nais na pagtrabahuhan. James I. Catapusan