Manila, Philippines – Ang direktor na si Adolf Alix ang katuwang ni Nora Aunor sa pagsusulat ng libro nito tungkol sa kanyang buhay.
Si direk Adolf ang direktor ng sisimulang pelikula ng Superstar, ang Pieta.
Ani direk Adolf, naikuwento ni Nora noong pandemya ang pangarap nitong maglabas ng kanyang libro, dangan nga lang at hindi niya alam kung paano.
Pinayuhan lang daw si Nora ng direktor na magkuwento lang. At doon na nga nagsimula ang lahat.
Mismong si Guy na ang nagsabi na ang unang bahagi ng libro niya’y tumatalakay noong isinilang siya at kabataan niya hanggang sumali’t manalo sa Tawag ng Tanghalan.
Plano ni Adolf na ilabas ito ngayong 2023. Pero may tatlo hanggang apat pang bahagi written in both Filipino and English.
Pagbibida ng kanilang tandem, wala raw ie-edit out na kuwento sa libro na hinahanapan pa ng pamagat.
Inaagad daw nila ang paggawa ng libro habang malinaw pa raw na naaalala ni Nora ang mga kaganapan sa kanyang buhay.
Isang dapat abangan sa libro ay ang kabataan ni Nora na ibinahagi niya mismo sa press.
Ani Nora, mulat daw siya sa kahirapan noong wala pa sa showbiz.
May isang pagkakataong wala raw magpautang sa kanila ng maisasaing na bigas.
Hanggang may naawa at ipinautang siya, bandang alas dos na raw ‘yon nang hapon lampas na ng pananghalian.
Dahil nagmamadaling umuwi para magsaing ay nadapa siya. Tumapon ang inutang na bigas at umiiyak na pinulot ang mga butil na nahaluan na raw ng lupa’t buhangin.
Pag-uwi’y pinalo pa raw siya ng kanyang ina.
Pero tinandaan daw ni Nora ang mga taong umapi sa kanila dahil sa kahirapan.
Nangako raw siya sa kanyang sarili na kung giginhawa ang buhay nila’y hindi niya pamamarisan ang mga taong ‘yon.
“Kaso sumobra naman, kaya eto hanggang ngayon, pulubi pa rin ako,” bungisngis ni Nora.
Kasama rin sa libro niya ang mga pinagdaanan sa buhay na ikinalugmok niya.
Tunay ngang makulay ang buhay ni Nora na minsan nang binansagang Cinderella dahil sa kanyang simulain hanggang makarating sa tugatog ng tagumpay.
Her life is literally one for the books! Ronnie Carrasco III