
NAKAPANININDIG-BALAHIBO ang naganap na kalamidad sa Libya makaraan itong pinsalain ng malakas at maulan na bagyong si Daniel.
Mahigit 5,000 na ang natagpuang patay habang nasa 5,000 pa ang missing mula sa katakot-takot na baha.
Paniniwala ng mga nakaligtas, nasawi na rin ang natitirang 5,000 ngunit mahihirapan ang lahat na matagpuan ang mga ito.
Ang natagpuang mga patay ay iniluwa ng dagat sa bunganga ng mga ilog habang nasa mga kalsada at loob ng bahay ang iba.
2 DAM SUMABOG
Ang pagsabog ng dalawang dam sa itaas ng Derna City ang pinaniniwalaang dahilan ng biglaang malaking pagbaha sa mga ilog.
Dahil sa sobrang ulan mula sa bagyo, napuno ang dalawang dam hanggang sa sumabog ang mga ito at lumikha ng mahigit 3 metrong baha ang taas.
Ang baha na may kasamang mga punongkahoy, putik, bahay at iba pang isinama nito ang dumaluhong sa mga dinaanan nito hanggang makarating ang baha sa dagat.
Tumambad makaraan, mga Bro, ang libo-libong kamatayan kahit saan.
Bukod sa mga missing na maaaring nasa dagat, maaaring marami rin ang tinabunan ng mga putik at mga bahay na nagiba.
Ngayon, napupuno na ang mga ospital ng mga patay at sugatan kasabay ng labis na kakulangan ng mga doktor, nars at iba pa dahil may mga namatay rin sa mga ito o namatayan ng mga kamag-anak na dapat nilang asikasuhin.
PAANO ANG ANGAT AT IBA PANG DAM?
Sa Metro Manila, Rizal at Cavite, pinangangambahan ang pagdating ng The Big One o lindol na magnitude 7.2 at apektado ang Bulacan.
Patungo sa Bulacan ang malaking bulto ng tubig ng Angat dam para sa irigasyon samantalang tubig-inumin naman para sa Metro Manila, Rizal at Cavite.
Sa tag-ulan, laging napupuno ang Angat dam, Ipo dam at Lamesa dam at nagpapakawala ng tubig.
Ang mga dam na ito ay nagpakawala ng tubig nang dumating ang bagyong Ondoy noong 2009 kaya gayun na lang kagrabe ang baha sa Metro Manila at ilang bahagi ng Bulacan na ikinamatay ng halos 500 at ikinasugat ng mahigit 500.
KUNG MAGIBA RIN, PAANO?
Mas marurupok ang mga dam sa Libya dahil hindi umano sementado ang maraming bahagi ng mga ito at ito umano marahil ang dahilan kung bakit bumigay ang mga ito nang mapuno.
Mas matitibay ang Angat, Ipo at La Mesa dam pero paano kung magiba rin ang mga ito sa pagdating ng The Big One o anomang lindol sa kasagsagan ng ulan at punuan ang mga dam?
Ang Angat dam, maaari umanong papatay ng nasa 100,000 mula sa 30 metrong tubig-baha mula sa Angat dam.
Paano kung mangyari ito?
Nasaan ang ating mga paghahanda laban dito?
Ang tiyak, hindi sapat ang Oratio Imperata laban sa posibleng kalamidad mula sa mga dam.