MAGUINDANAO DEL SUR- Naghain na ng kasong pagpatay ang Maguindanao-PNP sa tanggapan ng Provincial prosecutor laban sa pinuno ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at 15 pa nitong tagasunod na itinuturong responsable sa pananambang sa mga pulis na ikinasawi ng dalawa sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Hunyo 14.
Kabilang sa mga kinasuhan ng murder ay ang BIFF lider na si Esmael Abdulmalik, alyas “Abu Turaife,” at 15 iba pa na kanyang mga tagasunod na may kinalaman sa pagkamatay kina Police Patrolmen Saipoden S. Macacuna at Bryan Dalao Polayagan habang ang mga sugatan ay sina Police Chief Master Sgt. Rey Vincent B. Gertos, Police Staff Sgt. Benjie R. delos Reyes, at Police Patrolmen Abdulgafor H. Alib at Arjie Val Loie C. Pabinguit, na pawang miyembro ng Police Provincial Mobile Force Company.
Matatandaang sakay ng patrol vehicle ang mga biktima papunta sa police provincial headquarters, subalit pagsapit sa Barangay Poblacion ay tinambangan ang mga ito ng mga kasapi ng BIFF.
Sinabi ng pulisya na ang pag-atake ay ginawa upang ipaghiganti ang pagpatay sa umano’y ISIS emir na si Abu Zacaria sa isang law enforcement operation sa Marawi City noong Hunyo 12.
Mariin namang kinondena ni Police Col. Joel Sermese, Maguindanao del Sur police director, ang pag-atake sa kanyang mga tauhan.
Naniniwala rin ang pulisya na ang Islamic State-inspired na BIFF local terrorist group ang responsable sa sunod-sunod na pag-atake ng bomba at pagpatay sa ilang opisyal at kawani ng gobyerno sa Central Mindanao nitong mga nakaraang taon.
Patuloy naman ang ginagawang manhunt operations ng tropa ng pamahalaan laban kay Abu Turaife at sa kanyang mga tauhan na pinaniniwalaang nagtatago sa Liguasan Marsh.
Samantala, sa ginanap na orientation seminar ng Department of Justice Circular No. 20 sa Greenleaf Hotel, General Santos City, na dinaluhan ng mga hepe ng pulisya at mga imbestigador mula sa 24 municipal police stations ng Maguindanao del Sur, nagpahayag ang DOJ na tinututukan nila ang kaso laban sa mga hinihinalang miyembro ng BIFF.
Sinabi naman ni Maguindanao del Sur Provincial Prosecutor Mohammad Mon-em Abangad, na malakas ang ebidensya laban sa mga suspek at sapat para makapagpalabas ng warrant at makagawa ng masusing imbestigasyon bago ang pagsasampa ng kaso sa korte. Mary Anne Sapico