Home METRO Lider ng criminal group, mga kasamahan patay sa engkwentro sa P’que

Lider ng criminal group, mga kasamahan patay sa engkwentro sa P’que

MANILA, Philippines- Patay ang lalaking lider ng notoryus na “Concepcion Criminal Gang’’ at tinaguriang most wanted sa Bicol pati na rin ang kasamahan nito makaraang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Police Regional Office (PRO) 5 sa Bicol Region na magsisilbi sana ng arrest warrant laban sa kanya nitong Miyerkules ng gabi sa Parañaque City.

Base sa report ng PRO 5, kinilala ang pagsisilbihan sana ng warrant of arrest na suspek na si Gilbert Concepcion, tinaguriang Most Wanted Person sa Bicol Region na may kasong kidnapping with murder, kidnapping at serious illegal detention, rape at direct assault.

Napag-alamang lider din ng “Concepcion Criminal Group” si Concepcion na sangkot sa operasyon ng gun-for-hire, extortion, robbery at murder sa Albay, Camarines Sur at karatig-lugar.

Napatay si Concepcion at isa pang kasamahan nito na hindi pa rin alam ang pagkakakilanlan hanggang sa kasalukuyan pasado alas-6 ng gabi sa Barangay San Martin de Porres habang inihahahin ng mga operatiba ng PRO 5 ang warrant of arrest laban kay Concepcion.

Nauna dito, nakatanggap ng impormasyon ang PRO 5 tungkol sa kinaroroonan ni Concepcion na tinungo ng mga operatiba, sa isang bahay sa Sitio de Asis, Barangay San Martin de Porres, kung saan pansamantalang namamalagi ang lider ng grupo.

Sa pagkakapatay sa notoryus na lider ay umaasa ang PRO 5 sa malaking posibilidad ng pagbuwag ng grupo ng sindikato na pinamumunuan ni Concepcion. James I. Catapusan

Previous articleVP Sara: Pagbabalik sa June-March school calendar binubusisi pa
Next articleSuspension order vs SMNI muling iaapela sa NTC