Home METRO Lider ng kidnapping group nagpanggap na NBI agent, patay sa engkwentro

Lider ng kidnapping group nagpanggap na NBI agent, patay sa engkwentro

MANILA, Philippines – Patay ang lider ng umano’y kidnap for ransom group na nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naganap na engkwentro kahapon ng hapon, Disyembre 22 sa Sta Cruz, Zambales.

Kinilala ang lider ng KFR na si Bryce Movilla, 50, at residente ng lalawigan.

Ang insidente ay kasunod nang plano sanang pag-aresto sa kanya ng mga ahente ng Anti Organized Transnational Crime Division – NBI sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte.

Si Movilla ay kilalang lider ng grupo na sangkot sa pagdukot sa isang Malaysian national sa isang tanggapan ng POGO sa Makati City, matapos siyang magpanggap at kanyang mga kasamahan bilang mga ahente ng NBI.

Nagpakita umano ang mga ito ng pekeng search warrant saka binitbit ang Malaysian at pagkatapos ay humingi ng ransom para sa pagpapalaya rito.

Natunton si Movilla at ang kanyang grupo sa Midal Hotel sa Sta Cruz, Zambales kung saan dinala ang Malaysian hanggang sa mabayaran ang ransom.

Nadiskubre namang peke ang plaka ng isang sasakyan na ginamit ng mga suspek sa pagkidnap nang matukoy ng mga NBI, habang ang isa pang sasakyang na puting Nissan Navara ay may plakang DBH 2023.

Napag-alaman din sa beripikasyon na may outstanding warrant of arrest si Movilla na humantong sa isang law enforcement action laban sa kaniya.

Sa nasabing operasyon, nabuntutan ng mga ahente ng AOTCD ang puting Nissan Navara na minamaneho ni Movilla.

Nakapwesto na sa kahabaan ng highway mula sa timog na bahagi ng Sta.Cruz, Zambales ang isang pangkat ng NBI-CID.

Ang isa pang pangkat ay nasa hilagang bahagi upang maharang ang daraanan ng sasakyan ng mga suspek.

Habang hinahabol, napansin umano ng mga operatiba na nakatunog ang suspek na sinusundan sila.

Dahil dito, nagblinker na ang mga operatiba at nang ideklarang pahihintuin ang sasakyan ay nagpaputok ng baril ang suspek dahilan upang sumadsad sa palayan ang sasakyan ng NBI at dito na gumanti nang putok.

Nagsagawa na ang NBI forensic team ng imbestigasyon sa pinangyarihan ng krimen at dito narekober ang kalibre 45 baril na ginamit ng suspek, kabilang ang limang piraso ng mga pekeng ID ng NBI sa loob ng sasakyan na nasa iba’t ibang pangalan at ilang pekeng warrant of arrest na gamit nila sa kidnapping operations.

Apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article5 pamilya apektado sa baha sa Cagayan
Next articleKelot utas sa bumaligtad na kurong-kurong