HALOS dalawang taon magmula nang pamunuan ng walang pusong lider ng mga komunistang-terorista ang pagpapasabog ng ‘land mine’ na kumitil sa buhay ng Far Eastern University player na si Keith Absalon at pinsang si Nolven Absalon noong June 6, 2021 sa Masbate.
Ang maganda lang, nadale rin ng mga tropa ng pamahalaan ang damuhong si Dindo Monsanto alias Boy, na commanding officer ng Regional Operations Command ng Bicol Regional Party Committee.
Ang lider ng ROC-BRPC ay nasupot ng pinagsanib na puwersa ng 9th Infantry Division, ng Philippine Army na pinamumunuan ni Major Gen. Adonis Bajao, ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Unit – National Capital Region Field Unit at PNP-National Capital Region Police Office subalit hindi na sa Bicol Region kundi sa Barangay Baritan sa Malabon City.
Masuwerteng nadale itong hunghang na lider ng komunistang-terorista dahil posibleng sa Metro Manila pa ito gumawa ng karumal-dumal na krimen.
Nang mahuli si Monsanto noong Mayo 9, isang M-16 rifle, isang caliber .45 pistol, isang fragmented hand grenade, anti-personnel mine, labing-isang (11) cellular phones, siyam (9) na flashdrives, mga memory card at subversive documents ang nakuha rito.
Ibig sabihin, ‘di lamang balasubas itong si Monsanto, mas lalong ‘di ito santo. Sa totoo lang, ‘di ito tao. Paano kasi, pumapatay ito ng sarili niyang kababayang mga Filipino. At alam n’yo ba? Hindi lamang kailangan managot itong ‘ogag’ na ito sa pagkamatay ng mag-pinsang Absalon.
Limang (5) warrants of arrest na kasi ang nag-aantay sa kanya, sa limang kaso rin ng murder, attempted murder, robbery with homicide at violation of the anti-terrorism law.
Bilang ROC commander, si Monsanto rin ang nag-udyok at nag-utos ng iba’t ibang uri ng terroristic activities laban sa gobyerno at mga taga-Bicol gaya nga nang pagpapasabog sa Masbate na pumatay sa mga Absalon, pag-ambush sa limang PNP personnel na nagbabantay ng government project at panununog ng mga heavy equipment na ginagamit sa pagpapatayo ng Bicol International Airport.
Ang pagkakahuli sa walang pusong lider na ito ay malaking dagok sa halos naghihingalo nang pwersa ng CPP-NPA-NDF.
Sa wakas, mabibigyang hustisya na rin ang walang kamalay-malay at walang kinalamang magpinsang Abalon sa maling ipinaglalaban ng grupo ni Monsanto. Paano pa ang ibang inosenteng sibilyan na pinagmalupitan ng CPP-NPA-NDF?
Ang paghuli ng mga awtoridad kay Monsanto ay patunay na hindi nagpapabaya ang militar at pulisya sa kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan.