MANILA, Philippines – Sinabi ni Sen. Bato dela Rosa nitong Huwebes na dapat magsagawa ng lie detector test para maberipika ang alegasyon ng dalawang aktibista na sila ay dinukot ng militar at ang pag-angkin ng mga alagad ng batas na sila talaga ay sumuko.
“Itong dalawang bata na ito na nagsasalita, isu-subject natin ito sa polygraph test, lie detector test ito at tsaka itong army at pulis na accordingly nagke-claim na sila ay nag surrender…dahil both sides are claiming to be saying the truth, ” anang Senador sa interbyu ng CNN Philippines.
Sinabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro nitong Miyerkules na kanilang pinag-iisipan ang pagsasampa ng perjury charges laban sa mga aktibistang sina Jonila Castro at Jhed Tamano, na tumanggi sa pagsuko gaya ng inaangkin ng mga awtoridad.
Sinabi ng DND chief na mayroong sapat na ebidensya upang siraan ang mga pahayag ng mga aktibista.
Ang dalawang aktibista ay iniulat na dinukot ng apat na lalaki noong Setyembre 2 sa Orion, Bataan. Sinabi ni Castro sa isang media briefing nitong linggo na ang militar ang nasa likod nito at sila ay pinagbantaan ng mga awtoridad.
Itinanggi naman ito ni Colonel Ronnel dela Cruz, commanding officer ng 70th Infantry Battalion, at iginiit na boluntaryong sumuko sa kanila ang dalawa noong Setyembre 12 at sinusunod ang tamang pamamaraan sa proseso.
Bagama’t hindi tinatanggap ang polygraph test sa korte, binigyang-diin ni Dela Rosa na malaking tulong ito para malaman kung aling panig ang nagsasabi ng totoo. RNT