Home OPINION LIGTAS NA PASKO AT BUHAY NA DROGA

LIGTAS NA PASKO AT BUHAY NA DROGA

LUMIPAS ang Pasko sa mahal kong Pinas na walang gaanong naitalang maraming malalalang krimen o nakamamatay na pangyayari.

Ito’y sa kabila ng pagsingit ng gaya ng labanan ng mga sundalo at New People’s Army sa Bukidnon na ikinamatay ng 9 umano’y NPA.

May pagpugot din sa guwardiya sa isang tindahan ng mga sasakyan sa Balintawak, bukod sa ilang pagpatay sa ibang bahagi ng bansa.

Ang mga krimeng gaya ng murder, homicide, rape, physical injury, theft, robbery, vehicle theft and motorcycle theft, malaki ang ibinaba ang bilang, ayon kay  PNP information chief and spokesperson Col. Jean Fajardo on Monday.

Mula sa 101 noong nakaraang taon, 34 lang ang bilang ng mga ito nitong bisperas ng Pasko.

NAGSAMA-SAMANG DAHILAN

Siyempre pa, maraming dahilan kung bakit naging mapayapa ang Kapaskuhan.

Sa mga kritikal na lugar na may gumagalang mga armado at matataong lugar gaya ng Metro Manila, Metro Cebu, Baguio City at iba pa, naririyan ang kitang-kitang presensya ng mga pulis at sundalo bilang pamigil sa sinomang gustong lumikha ng madugong pangyayari.

May mga pulis at sundalo rin sa mga simbahan, mall, terminal ng mga sasakyan, sa mga kalsada at iba pa.

Napansin din nating timplado ang pag-inom ng alak ng mga mamamayan sa kani-kanilang mga pagtitipon.

Ang mga disgrasya sa sasakyan, mapalupa o mapadagat, wala rin gaanong disgrasya dahil sa disiplina sa pagmamaneho ng mga tsuper at maayos na kondisyon ng mga sasakyan sa pagbiyahe ng mga ito.

DROGA BUHAY NA BUHAY

May napapansin lang ng marami!

Buhay na buhay at kalat na kalat na naman ang droga.

Sa Mega Manila na kasama ang Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite, anak ng tokwa, ang dami na umanong adik at tulak ulit.

Matatandaang nagsitaguan o nabilanggo saglit ang libo-libong tulak noong panahon ni dating Pangulong Mayor Digong at may ilan sa mga ito ang namatay, kasama ang ilang druglord, narco-politician, ninja cop.

Itong mga tulak, druglord, narco-politician at ninja cop ang nagpakalat ng droga noon hanggang umabot sa nasa 2-3 milyon ang naging adik.

Sabi ng ating mga Uzi, habang nag-eenjoy ang karamihan sa mga misa de gallo at iba pang sangkap ng Kapaskuhan, enjoy naman sa mga pot session ang mga adik.

Shabu at marijuwana, mga Bro, ang tinitira ng mga ito.

Ibang usapan naman ang mga cocaine na favorite ng masasalapi.

Mabuti’t karamihan sa mga ito ang nahaharang mula sa ibang bansa na ipinararaan karaniwan sa pamamagitan ng eroplano.

Pero meron ding pinararaan sa karagatan gaya ng nangyari nitong Disyember 22, 2023 sa Brgy. San Lorenzo, Mauban, Quezon, ayon kay PCol. Dionisio Bartolome, acting director, ng PNP Drug Enforcement Group.

Hindi malayong babalik ang malalalang krimen kung hahayaang mabilis na darami ang mga adik, tulak, druglord, narco-policitian at ninja cop, may Pasko man o wala.

 

Previous articleOKS SA GIYERA, DEDMA SA NAGUGUTOM
Next articleAmihan, Easteries, magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa